IPINAUUBAYA na ng mga opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga eksperto kung papayagan na ba o hindi, ang pagbabalik ng mga relihiyosong pagtitipon sa mga lugar na isasailalim sa general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, ng CBCP- Public Affairs Committee, ang mga eksperto ang mas makakapag-assess kung dapat na nga bang payagan ang mga religious gatherings o hindi pa.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang pamunuan ng simbahan sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infec-tious Diseases (IATF) hinggil sa isyu.
Sinabi ni Secillano na nakakatanggap sila ng feedback hinggil sa kahilingan ng publiko na maibalik na ang physical masses sa bansa ngunit dapat aniya itong balansehin para sa kaligtasan ng mga churchgoer.
“Sa ganang amin naman, it’s a choice between celebrating it and then risking the lives of people. We don’t want to be blamed also. That’s why we are being extra cautious,” paliwanag ng pari, sa panayam sa radyo.
Sakali naman aniyang payagan na ang pagpapatuloy na ng mga relihiyosong pagtitipon, dapat na tiyakin ng mga simbahan na may physical distanc-ing, sa pamamagitan ng pag-aayos ng seating arrangements at mass schedules, at pagtatalaga ng crowd control marshals.
Maaari ring hikayatin ang mga parokyano na magtungo sa mga simbahan sa panahong mas kakaunti ang tao.
Bawat diyosesis naman aniya ay indipendiyente at maaaring magpatupad ng sarili nilang mga panuntunan.
Kaugnay nito, sinabi ni Secillano na sa Archdiocese of Manila ay may panukalang maglaan ng oras para sa pag-disinfect sa tuwing matatapos ang banal na misa.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay tuloy-tuloy ang online masses at mayroon ring inieere na mga banal na misa sa mga radyo at telebisyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.