HINIMOK ni Senador Francis Tolentino ang Palasyo na ipatawag ang mga opisyal ng National Electrification Administration (NEA) at Local Water Utilities Administration (LWUA) para agarang matugunan ang pagsasaayos sa supply ng koryente at tubig sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Sa panayam ng DZRH, sinabi ni Tolentino na dapat hingan ng report ng gobyerno ang NEA at LWUA kaugnay sa logistics na kakailanganin para mapabilis ang pagtugon ng gobyerno sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
“Alam n’yo po executive action na ito eh, kailangan ito kaninang madaling araw pinagrereport na ang mga ‘yun, anong status na niyan? Anong electric cooperative ‘yan, ano ang maitutulong ng national government para maitayo ang mga poste? Ilang mga crane ang kailangan ninyo?” tanong ni Tolentino.
Dagdag pa ng senador, maaar ring makipag-ugnayan ang gobyerno sa Philippine Contractors Association (PCA) para mapabilis ang clearing operations sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.
Ani Tolentino, maraming heavy equipments ang mga pribadong contractors na nakatabi lamang na maaring i-mobilisa ng gobyerno, partikular sa Leyte, Samar, Tacloban, Cebu, at Surigao.
“Dapat po iyan i-mobilize para sa road clearing, hindi lamang po ang DPWH ang magki-clear pati pribadong sektor. Isang kumpas lamang dapat ‘yan ng mga concerned agencies, nandoon na rin po ang mga operator nila, dun na rin naka-barracks ‘yun kaya mabilis-bilis na ang pagkilos,” dagdag pa ni Tolentino.
Dapat din aniyang magtalaga ng point-person ang gobyerno na siyang kukumpas para mapabilis ang pag-responde ng gobyerno sa mga pangangailangan ng mga lubhang naapektuhan ng bagyong Odette.
VICKY CERVALES