PAGBABALIK-SIGLA NG ATING EKONOMIYA

JOE_S_TAKE

UNTI-UNTI nang nakakabawi ang ekonomiya ng bansa kasabay ang balitang halos tatlong vaccines laban sa COVID-19 mula sa kilalang mga international pharmaceutical companies ang nasa huling stages na ng clinical trials. Sa oras na matapos ang clinical trials na ito, magiging available na ang gamot sa huling bahagi ng 2020 o unang bahagi ng 2021, bagay na mas magpapabuti sa sitwasyong medikal sa buong bansa.

Pero hindi ibig sabihin nito na puwede na nating kalimutan ang mga safety protocols na nakatulong upang hindi tayo tamaan ng sakit. Kailangan pa rin nating sundin ang health and safety guidelines upang maiwasan ang bagong wave ng pagkalat ng coronavirus tulad ng nangyayari ngayon sa South Korea at Hong Kong.

Gaya ng nabanggit ko sa mga nauna kong columns, ang layunin natin ay makabalik muli ang ekonomiya ng bansa sa estado nito tulad ng panahon na wala pang pandemya at kinikilala ang Filipinas sa mga umaangat na bansa sa Asia Pacific. Naniniwala akong kung magtutulungan tayong lahat, siguradong maibabalik natin ang sigla ng ating ekonomiya.

Ang private sector ay may kritikal na tungkulin na kailangang gampanan sa pagpapabuti muli ng ekonomiya, pero kailangan ng maigting na suporta ng gobyerno para makakuha ng bagong investments at buhayin muli ang nabugbog nating ekonomiya.

Kung suporta ng gobyerno ang usapan, isa sa mga matatandaan ay ang kapapasa lang sa Kongreso na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE). Ang batas na ito ang tutulong sa mga negosyo para makarekober sa epekto ng pandemya sa business nila. Malaking tulong ito kasabay ng infra modernization program, na layon naman ay pagbutihin ang logistics backbone ng bansa.

Upang magtuloy-tuloy ang pag-angat muli ng ating ekonomiya, kailangan ng mga polisiyang makatutulong sa mga negosyo para makabangon muli. Kasabay nito ang isang public spending plan na nakapokus sa mga economic investment gaya ng infra modernization. Ang kombinasyong ito ay siguradong makapagpapaigting sa pag-unlad muli ng bansa.

Ang kompanyang Meralco, na aking kinakatawan, ay may mga programa rin na naglalayong makatulong sa pag-angat muli ng ekonomiya ng bansa, una na nga ang paninigurado na may dumadaloy na koryente sa mga bahay at negosyo sa kabila ng pandemya. Tuloy-tuloy na rin ang meter reading operations sa kabila ng umiiral pa ring community quarantine para masigurado na ang aktuwal na nakonsumo lamang ang kailangang bayaran. Alinsunod ito sa order ng Energy Regulatory Commission (ERC) at sa pakiusap din para patuluyin ang mga meter reader kahit sa mga locked down areas.

Para naman mas mapagaan ang pagbabayad ng bills ng customers, mayroong installment plan ang Meralco mula apat hanggang anim na buwan. Sinunod din ng Meralco ang pagpapatupad ng equitable billing sa lahat ng customers sa pamamagitan ng proration, ayon na rin sa napagkasunduan sa mga katatapos lang na House hearings.

Pinalawig din ng Meralco ang grace period ng pagbayad ng mga lockdown bills ng customers, bagay na inanunsiyo ng Meralco sa pinakahuling hearing ng Committee of Good Government and Public Accountability.

Ayon kay Meralco President and CEO Atty. Ray C. Espinosa, hindi magpuputol ng serbisyo ang Meralco hanggang October 31, 2020 para mabigyan ng mas mahabang panahon ang customers sa paghahanda ng pambayad sa mga bills mula March hanggang May 2020.

Bilang tugon din sa utos ni Pangulong Duterte sa mga electric cooperative, halos 3 milyong lifeline consumers o mga kumokonsumo ng hindi hihigit sa 50kwh kada buwan ang hindi na siningil ng distribution charge para sa buwan ng March at April.

Magbibigay rin ang Meralco ng Php101 mil­yon na ayuda sa 2.77 mil­yon na lifeline customers. 100kWh pababa naman ang konsumo ng lifeliners sa franchise ng Meralco, at kumakatawan sa halos 40% ng kabuuang bilang ng customers nito. Makatatanggap sila ng kaltas sa distribution charge sa kanilang bill. Binanggit ni Espinosa na hindi pass-through charge ito kundi bawas sa kita ng Meralco.

Binanggit din ng Meralco sa harap ng komite ang paghinto nito sa pagsingil ng Guaranteed Minimum Billing Demand (GMBD) para sa  SMEs at mga customer na may demand-based billing. Nagsimula ito mula nang ideklara ang ECQ noong March 16 hanggang August 31, 2020. Php2.69 bilyon na ang natipid ng mga business customer na ito ng Meralco dahil sa pag-waive ng GMBD.

Sa nasabing hearing din ay inanunsiyo ng Meralco na limang sunod na buwan na bumaba ang generation charge, at apat na buwan na sunod-sunod na bumaba ang overall rate. Halos PhP1/kWh na ang bagsak presyo ng koryente sa buong 2020.

Tuloy rin ang Meralco sa pag-waive ng convenience fee para sa customers na nagbabayad sa pamamagitan ng Meralco Online app hanggang sa matapos ang GCQ. Ibinalik na rin sa mga customer ang convenience fee na unang ibinayad nila.

Importante sa akin bilang consumer kung magkano ang buong kabayaran ko sa lahat ng bills, kaya naman malaking tulong ang tuloy-tuloy na pagbaba ng presyo ng koryente. Ipinangako ng Meralco na pabababain pa nito ang generation charge ngayong may pandemya, kahit na naiangat na ang quarantine status nitong mga nakaraang linggo.

Dahil sa pagbaba ng demand ng koryente sa service area nito, nag-invoke ang Meralco ng force majeure (FM) na probisyon sa kontrata nito sa First Gen Hydro Power Corporation (FGHPC). Ngayong Agosto, umabot sa P82 million ang na-claim ng Meralco na ibig sabihin ay nakatipid ang customers nito ng P0.0285 per kWh sa generation charge.

Bukod sa lahat ng ito, uulitin ko na tuloy-tuloy ang pagbabasa ng metro ng Meralco sa kabila ng quarantine, at sinisigurado ng kompanya na aktuwal na konsumo lang ang ibi-bill sa customers nito.

Hindi maipagkakailang nagsisikap din ang Meralco na makatulong para sa customers nito ngayong panahon ng pandemya. Makikita ito sa mga programa na naniguradong tuloy-tuloy ang daloy ng koryente, at ang pagbaba ng presyo nito.

Comments are closed.