PAGBABALIK-TANAW SA 20 TAON NG TUKAAN SA TELEBISYON

PUSONG SABUNGERO

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa inabot na ng TUKAAN sa telebisyon. Sabi nga ni Biboy Enriquez, ang TUKAAN ang nagbukas ng pinto sa mundo ng sabong kung saan siya naroroon ngayon. Isang masigla, matagumpay at tuloy-tuloy na pag-unlad ang inihatid ng TV SHOW na ito.

Tukaan ang nagsimula ng lahat, ng una ay isang ilaw sa kadiliman na hindi malaman kung ang apoy ba ay maglalagablab o tuluyan nang mamamatay nang unti-unti. Ibinibigay  ko ang lahat ng papuri at pagpupugay kay EMOY GORGONIA, na naniniwalang napakaganda ng tutu­nguhan ng sabong sa ating bansa kung ito ay bibigyan ng magandang ‘exposure’, ika nga. Si Emoy sa simula pa lamang tulad ng sino man ay naghirap din at halos gumapang dahil noong 1998 nang simulan ang show na ito, halos walang naniniwala na ito ay lalaki nang ganito dahil na rin hindi pa gaanong sikat ang sabong noon ‘di tulad ng basketball na siyang pambansang laro sa ­Filipinas.

Unti-unti sa CHANNEL 13 pa noon tuwing Linggo ng umaga, dumami nang dumami ang sumusubaybay sa palabas na ito at maraming ginawang pamamaraan si Emoy upang lalong hangaan ng mga sabu­ngero ang TUKAAN. Iba’t  ibang host, magagandang babae, mga beauty queen at mga alamat sa sabong ang kinumbida ni Emoy upang magbahagi ng kanilang karanasan mula sa pagpapalahi, pag-aalaga, pagpapalaki, paghahanda sa laban, pagtatare, at paggagamot sakaling sila ay magkasakit.

Sa ganitong kaalamang inihatid  ng TUKAAN, hindi na mapipigilan ang paglago ng isang industriya na naging usapan at buhay ng bawat Filipino  saan mang sulok ng Filipinas. Mahirap paniwalaan subalit talaga namang nakamamangha  ang mga nangyari sa sabong sa mga panahon ngayon. Tuloy-tuloy ang sabong, araw-araw kahit saan na dati ay tuwing Linggo lamang. Tinatayang ISANG MILYONG manok ang sinasabong kada buwan sa ating bansa subalit ‘di pa naitatala rito ang mga labanan sa mga TUPADA na kadalasan ay ginaganap tuwing Fiesta, Mahal na Araw, at kadalasan ito ay ­ilegal.

Ngayon, tulad ng nabanggit ko sa aking nakaraang column, tayo lamang ang bansang may pinakaraming SABONG SHOW, mapa-FREE CHANNEL, CABLE TV o LIVE STREAMING. Only in the Philippines, ika nga, at ako po bilang producer ng TUKAAN ay lubos na nagpapasalamat sa milyon-milyong sumusubaybay rito mapa-telebisyon, social media o sa cable TV PINOY XTREME CHANNEL.

A journey to a thousand miles begins with one step, malayo na po ang tinahak ng TUKAAN at patuloy po kaming maghahatid ng makabuluhang impormasyon, balita at kaganapan sa mundo ng sabong. At dahil dito lalong tumitibay ang ­aking paninindigan na iba talaga ang PUSONG SABUNGERO, makabayan, maginoo, may isang salita, at higit sa lahat, may malasakit sa kapuwa.

Comments are closed.