ILANG araw na lang, matatapos na ang palugit ng lockdown. Babalik na ba tayo sa normal na pamumuhay? Umpisa na ba ng pagbangon?
Sa kasalukuyan, patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Ang konsuwelo lang, tumataas din ang bilang ng mga gumagaling kaysa mga namamatay.
Bagaman nakatutulong kahit paano sa pagsupil sa lalo pang paglaganap ng karamdamang ito ang umiiral na ECQ, at nakatutulong upang mapagaan ang pasanin ng ating healthcare system, lumalatay naman ito sa estado ng ating ekonomiya.
May nakikita ba tayong pag-asa sa muling paglusog ng ekonomiya at ng kalakalan sa bansa sa lalong madaling panahon? Tingnan natin ang sinasabi ng International Monetary Fund o IMF.
Sa pagtatasa ng IMF sa katayuan ng ekonomiya sa buong globa, itong malawakang lockdown na ito na ipinatutupad sa iba’t ibang panig ng daigdig ang pinakamatinding hagupit na naranasan ng world economy sa loob ng halos 100 taon. Mukhang malabo ang nakikita nilang tsansa. At kung kakayanin, huwag nating hayaang mangyari.
Dahil sa global lockdown, lubhang apektado ang global demand sa iba’t ibang produkto ng iba’t ibang bansa. Ihalimbawa natin ang global demand sa ating mga local produce tulad ng saging. Ayon kasi sa ating banana growers, kung dati ay umaabot sa 4 milyong tonelada ang nae-export natin, posibleng bumagsak na lamang ito ngayong taon sa 2.5 million tons. Ang ibig sabihin, maaaring sumadsad ang ating overseas shipment ng hanggang 40 porsiyento.
Mahalagang sa lalong madaling panahon ay mapigil natin ang lalo pang paglobo ng bilang ng mga apektado. Pero mahalagang isabay rin dito ang paniniguro sa estado ng ekonomiya at kalakalan ng Filipinas.
Sa krisis na kinasusuungan natin sa kasalukuyan, partikular mang apektado ang negosyo sa bansa, apektado rin ang sitwasyon ng publiko lalo na ang mahihirap na mamamayan at ang mga manggaga-wang umaasa lang sa pang-araw-araw na kita.
Kamakailan, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang P51-B budget proposal ng Department of Finance bilang dalawang buwang ayuda sa maliliit na negosyo o ang tinatawag na two-month wage subsidy program. Sa pamamagitan nito, makatatanggap ang kani-kanilang mga empleyado ng mula P5,000 hanggang P8,000 kada buwan sa loob ng dalawang buwan. Kaakibat din diyan ang pagpapaliban sa loans payments o payments extension, base sa isinasaad ng Bayanihan Act.
Panigurado na sa pagbabalik normal natin pagkatapos ng ECQ ay mahaharap tayo sa pahirapang recovery. Hindi naman kasi kagyat na magbabalik sa normal ang lahat. Siguradong dahan-dahang pagbangon ang gagawin ng iba’t ibang sektor. At para mabakuran ‘yan, isang Technical Working Group on Anticipatory and Forward Planning ang binuo ng Interagency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sa pangunguna ng NEDA, nakapag-survey ng mahigit 44,000 respondents ang naturang TWG upang mapag-aralan ang lawak ng nasira ng COVID-19 sa kalusugan ng ekonomiya.
Matapos ang lahat ng ito at sa muli nating pagsisimula, ano nga ba ang pangunahin pa rin nating dapat bigyan ng kaukulang atensiyon? Ang kapakanan pa rin ng sambayanan lalo na ng mga mahihirap na lubhang naapektuhan. Patuloy nating siguruhin na masigasig man nating iniaangat ang ekonomiya, dapat isabay rin ang buhay nila.
Tayo po ay may isinusulong na panukala: ang SBN 1418 o ang Economic Rescue Plan for Covid-19. Nilalayon natin ditong makalikha ang pamahalaan ng P108-B fiscal stimulus package na ‘gagamot’ sa ekonomiya na lubhang ‘sugatan’ sa COVID-19. Katumbas ito ng proposisyon ni Marikina Congw. Stella Quimbo na kanyang ipinanukala sa isang online TWG.
Base sa kanyang panukala, nais niyang maglaan ang gobyerno ng P370-B upang masuportahan ang “non-essential businesses” para hindi mapilitan ang mga negosyong ito na bitawan ang kanilang mga empleyado.
Sa nasabi pa ring TWG, panukala naman ni Albay Rep. Joey Salceda ang pagpapalabas ng P270-B bilang economic stimulus package na magagamit sa transitional measures tulad ng wage subsidies.
Kaliwa’t kanan ang dumarating na suporta kayandapat ay magkaisa, magtulungan partikular ang gobyerno at pribadong sektor.
Matindi ang idinulot sa atin ng pandemyang ito at makababangon lamang tayo kung tayo’y kapit-bisig na lalaban at kikilos.
Comments are closed.