PAGBABASA…PAGBABASA…PAGBABASA

PAGBABASA

Paano ka nga ba kahihiligan ng mga bata?

(ni CT SARIGUMBA)

LUMAKI akong nahilig na sa mga lib­ro. Madalas, kuwento at nobela ang kinahihiligan kong pasadahan. Natatandaan ko pa ngang may mga panahong napagagalitan ako dahil lang sa kababasa. Hindi rin kasi mahilig magbasa ang pamilya ko. Kaya siguro, kakaiba ang tingin nila sa akin.

Lumaki akong nakahiligan ang pagbabasa sa pamilya na ang tingin sa libro ay walang halaga. Walang halaga o importansiya, iyan ang tingin ng pamilya ko sa libro…noon. Noong mga panahong hindi pa ako naglalabas ng sarili kong nobela.

Pero nang makita nila ang pagpupursige kong maabot ang pa­ngarap kong maging awtor at nang manalo ang nobela ko’t maging libro ito, nagbago ang pagtingin ng pamilya ko. Ngayon, alam kong kagaya ko ay pinahahalagahan na rin nila ang isang akda o aklat. Kagaya ng pagpapahalaga nila at pagmamalaki sa akin bilang awtor.

May kaibigan ako. Lalaki. Ayoko ng pa­ngalanan pa. Ka-batch ko ito sa UP nang sumali kami sa palihang LIRA. Dahil magkakaibigan, nang mag-trabaho na ako sa diyaryo, nag-apply siyang maging writer ko. Contributor lang. Nagtuturo rin kasi siya kaya’t pandagdag lang sa kita ang habol niya kaya nais niyang mag-contribute ng mga article.

Okey sa akin. Wala namang problema. Unang-una, may kaalaman siya sa pagsusulat. Marami siyang kayang ipakita at ibahagi sa mga mambabasa. Pero dahil nga nagagagalit daw ang magulang niya kapag nagsusulat siya, hiniling niya sa akin na kung puwedeng mag-pen name na lang siya. Para raw hindi siya ikahiya ng pamilya niya kapag nalaman.

Pinagbigyan ko siya sa hiling niya. Pero sa puso ko, bumaha ang panghihinayang. Naghihimagsik ang loob ko. Bago kami matapos mag-usap, sina-bi ko sa kanyang maging proud siya sa kung ano siya. Ipagmalaki niya ang kakayahan niya. Gawin niya ang makapagpapaligaya sa kanya.

Marahil hanggang sa panahong ito, may mga magulang, kapamilya o kaibigan na magsasabing weird ang isang tao lalo na kung ang hawak nito ay libro. Maraming tao pa rin ang tila napipiri­ngan ang mata’t hindi nalalaman at nakikita ang tunay na kahalagahan ng pagbabasa sa isang indibiduwal.

Kaya bilang awtor, bilang isang babaeng nahilig sa pagbabasa, nakita ko ang benepisyong ibinigay nito sa akin, lalong-lalo na sa trabaho ko bilang travel at lifestyle editor. Malaki ang naitulong ng pagbabasa sa akin, hindi lamang sa trabaho ko kundi maging sa hilig kong makipagkaibigan sa mga letra at talinghaga para makabuo ng sanaysay, nobela, maiikling kuwento at tula.

Dahil diyan, narito ang ilang tips kung paano natin maeengganyo ang mga batang makahiligan ang pagbabasa:

MAGING EHEMPLO SA MGA BATA

Tandaan natin, kung ano ang ginagawa ng mga matatanda ay ginagaya ng mga bata. Kaya kung nais mong maengganyong magbasa ang iyong anak, mainam kung nakikita niya rin ito sa iyo.

At kung ikaw ang klase ng taong hindi mahilig magbasa, mainam kung kahihiligan mo dahil sa rami ng benepisyong makukuha mo.

Una na riyan, mada­ragdagan ang kaalaman mo sa salita. Marami sa atin ang limitado lang ang kaalaman sa mga salita at ibig sabihin nito. Makatutu-long ang pagbabasa upang lumawak ang iyong vocabulary.

Ikalawa, bibilis ang iyong pag-iisip at maiiwasan ang iba’t ibang sakit na may kinalaman sa utak sa panahon ng pagtanda o pagkakaroon ng edad. Mas lamang din sa iba ang taong mahilig magbasa.

Higit sa lahat, kung may anak ka naman, mainam naman itong paraan upang maengganyo rin siyang magbasa.

Maraming klase ng libro ang puwede mong kahiligan. Mystery man iyan, thriller, romance, love story, horror, young adults o YA, ang mahalaga ay nagbabasa ka.

MAGREGALO NG LIBRO

Isa pa sa pinakamainam na paraan upang magustuhan ng isang bata ang pagbabasa ay sa pamamagitan ng pag­reregalo sa mga ito ng libro.

Habang bata pa ay bigyan na sila ng mga librong angkop sa kanilang edad. Mainam ang pagbibigay ng mga picture book para ma­ging fun ang pagbabasa.

BASAHAN NG STORY BAGO MATULOG ANG ANAK

Pangatlo sa mainam gawin ay ang pagbabasa sa mga tsikiting ng stories bago matulog. Kumbaga, kahiligan o  kaugalian ang pagbabasa ng story kahit na maikli lang bago matulog.

Sa ganitong paraan, masasanay sila at kapag nakalimutan mo ay sila na mismo ang magsasabi o hihiling nito.

Gayunpaman, hindi naman dahil gusto mong makahiligan ng anak mo ang pagbabasa ay pi­pilitin na ito. Hindi pu­wersahan ang pagbabasa. Dapat ay ma-enjoy nila ito.

Kumbaga, dapat ay maging fun ang pagbabasa sa mga bata nang mahalin nila ito at hindi ayawan. (images source: inc.com, book.bug at cjr.org)

Comments are closed.