PAGBABAWAL SA E-CIGARETTES AT VAPING OK KAY BONG GO

Vape

SINUSUPORTAHAN ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang executive order ni Pangulong Duterte na nagre-regulate sa e-cigarettes, vape at iba pang tobacco products.

Sa EO 106 na nilagdaan ni Pangulong Duterte, ipinagbabawal ang importasyon, manufacture, distribution, marketing at pagbebenta ng mga hindi rehistradong electronic nicotine delivery systems (ENDS/ENDDS), heated tobacco products (HTPs) at iba pang novel tobacco products.

“Maganda na mayroong mas mahigpit na regulasyon na ngayon ang ating awtoridad na may kaugnayan sa lahat ng uri ng e-cigarettes,” ayon kay Go.

“Bilang chair ng Senate Committee on Health, suportado ko ang mga polisiya na naglalayong mas maprotektahan ang kalusugan ng ating mamamayan. Mahalaga ang kalusugan ng bawat Pilipino (sic) at ito ang tanging puhunan natin para sa magandang kinabukasan,” dagdag ni Go.

Ani Go, matagal na niyang inirerekomenda sa Pa­ngulo na nararapat ng i-regulate ang e-cigarettes o vape.

“Noong nakaraan, nagbigay ako ng aking stand na dapat i-regulate ‘yung vape dahil para sa akin, importante po ang kalusugan. Sa ngayon, may desisyon na po ang ating Pangulo at maglalabas na ng executive order,” ani Go.

Paliwanag ni Go, ang paninigarilyo, maging e-cigarettes o vape ay lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao.

Nanindigan ang senador na pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng Pangulo at ng kanyang administrasyon ang kapakanan ng publiko.

“Klaruhin ko lang po para sa kaalaman ng publiko na ang vaping ay posibleng makasama sa kalusugan, lalo na kapag menor de edad ang gumagamit. Posibleng makasama pa rin po iyan sa kalusugan at nakakabahala rin ang epekto nito sa katabi o kasama ng gumagamit,” dagdag na pahayag ng senador.