PAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG AI SA 2025 POLLS UMANI NG SUPORTA

SINUPORTAHAN  ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang panukala ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal sa kampanya para sa eleksyon sa 2025 ang paggamit ng artificial intelligence (AI).

Naniniwalà si Revilla na gagamitin lang ang AI sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon at sa pagsusulong ng mga pansariling interes.

Wala aniyang puwang sa demokratikong proseso, tulad ng eleksyon ang mga kasinungalingan.

Iba pa rin aniya ang pangangampanya ng mga kandidato dahil sa paraan na ito ay mas nakikilala at nakikilatis sila ng mga botante.

Hiniling naman ni Sen. Sherwin Gatchalian sa Comelec na maglatag ng mga polisiya sa binabalak nitong pag-ban sa AI sa election campaign.

Sinabi nito na dapat ay agad nang kumilos ang Comelec dahil napakabilís magbago ang mga maaaring paggamitan ng AI.

Naniniwala si Comelec Chairman George Garcia na ang paggamit ng ganitong mga paraan ay posibleng makaapekto at magdulot ng kalituhan sa mga botante.

Sa kabila nito, nilinaw ni Garcia na pag-aaralan pa nila ang magiging sakop ng AI ban sa pangangampanya.
Hindi aniya nila ipagbabawal ang kabuuan ng AI dahil hindi naman lahat ng ito ay masama. PMRT