INIHAYAG ni Senador Christopher “Bong” Go, sa isang panayam sa radyo noong Lunes, Pebrero 27, na ang Senate Bill No. 1359, ay panukalang itinataguyod niya, na nagbabawal sa mga pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon na magpataw ng “no permit, no exam” na patakaran .
Ang Senate Bill ay pangunahing inakda ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. at si Go ay nagpahayag ng hangarin na mag-co-author din ng panukala.
Sinabi ng senador na ang pagpigil sa mga mag-aaral sa pagkuha ng pagsusulit ay isang pasanin na humahadlang sa kanilang kakayahang mag-concentrate sa kanilang pag-aaral, at ang mga naturang patakaran ay maaaring mauwi sa depresyon at mas malala pa.
“Sa atin dito, ayaw natin maantala ang (kanilang) pag-aaral. Alam n’yo, napakabigat po n’yan kapag hindi sila makaka-exam. Instead na maka-concentrate, makatutok sa pag-aaral ang mga kabataan, pabigat ‘yun sa iniisip nila,” saad ni Go.
Pagkatapos ay binanggit ng senador ang isang kaso kung saan isang estudyante ang nagpakamatay ilang taon na ang nakararaan dahil sa hindi pagkakakuha ng pagsusulit dahil sa problema sa pananalapi. Binigyang-diin niya na hindi na ito dapat mangyari muli: “Iniiwasan natin ‘yan na ma-depress ang mga estudyante. Dapat nga, ine-engganyo natin silang mag-aral.”
“Alam mo, (ang) edukasyon, ‘yan lang po ang puhunan natin sa mundong ito, makapagtapos ng pag-aaral ang mga bata. Sila po ang kinabukasan ng bayang ito. Bigyan natin ng suporta at palugit para hindi mapunta ang pressure sa kanila,” himok ni Go
“Alam n’yo, marami pong pamilyang Pilipino pa rin ang apektado pa rin ng pandemic. Kasama na po d’yan ang natural na kalamidad, lalo na po ang mga bagyo. Marami po ang apektado,”ayon dito.
Naiintindihan aniya na kailangan din ng mga paaralan ang stable finances para makapagpatuloy. “Kailangang balansehin din po. Pero ang primary goal naman talaga nila is to provide education first, (aside from doing) business.”
“Tayo naman, ayaw natin na ‘yung mga negosyante na may eskwelahan ay hindi na makapagpatuloy… Balansehin din natin dahil sila, nanggagaling din po ang kanilang kita to sustain the school ay mula rin po sa tuition,” anito.
Saklaw nito ang lahat ng pampubliko at pribadong eskwelahan kabilang ang mga paaralang elementarya at sekondarya, mga institusyong pang-teknikal-bokasyonal at mas mataas na institusyong pang-edukasyon (HEI).
Sinasaklaw din nito ang lahat ng indibidwal na naka-enroll sa K to 12 Basic Educational Program, certificate, diploma, o degree programs ng HEIs, o sa mga short-term na kursong inaalok ng technical-vocational training institutes.
Hindi rin umano dapat magpataw ng fines, penalties o interests dito.
“Bigyan natin ng palugit at huwag naman pigilan ang pag-exam… Unahin po natin ang kapakanan ng mahihirap,” pagbibigay diin ni Go.