PAGBAGAL NG GDP GROWTH MINALIIT NG PALASYO

Salvador Panelo

PURSIGIDO ang mga economic manager ng administrasyong Duterte na mapaangat ang gross domestic product (GDP) ng bansa bunsod na rin ng pagbagal nito noong 2019.

Sa press briefing kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi nababahala ang Malakanyang sa kabila ng naitalang 5.9 percent GDP growth noong nakaraang taon, na pinakamababa sa loob ng walong taon.

“Since the economic managers are saying we should not be worried, we believe,” wika ni Panelo.

Ayon kay Panelo, nananatiling competent ang mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya walang dapat na ipag-alala.

“They’re doing their job very well,” giit ni Panelo.

Sinabi ni Panelo na noong sumipa ang inflation rate noong 2018 ay nakuha naman ng economic team ng gobyerno na makapagpatupad ng mga hakbang upang mapabagal ang muling pag-akyat nito.

“Remember the inflation rate, they were able to control it before. They are doing several measures,” sabi pa ni Panelo.

Samantala, sa kabila ng pagbagal ng GDP growth  bunsod na rin ng pagkakabinbin sa pagpapasa sa 2019 budget ay nananatiling determinado ang administrasyon na mapanatili ang malakas na momentum ng economic growth ng bansa.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ang 6.4 porsiyentong economic expansion noong fourth quarter ng 2019 ay pagpapatunay lamang ng pagkakaroon ng ‘political will’ ng administrasyon na makapagpatupad ng mga kaukulang reporma at programa upang maakit ang minimithing tagumpay.

Aniya, magpapatuloy ang pagpapatupad ng economic policies at programs para lalo pang mapabuti ang kalagayan ng sambayanan.

Nakapagtala ang Filipinas ng 6.4 porsiyentong GDP growth sa fourth quarter kung kaya naitala ang full-year economic expansion noong nakaraang taon sa 5.9 porsiyento na maitururing na pinakamabagal magmula noong 2011.  EVELYN QUIROZ

Comments are closed.