NAGPAHAYAG ng suporta ang isang infectious disease expert sa panukala ng Department of Health (DOH) sa pagtukoy sa terminong “fully vaccinated” laban sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, hindi gagana ang herd immunity na target ng bansa kung ibabase lamang sa dalawang dose ng COVID-19 vaccine na kahulugan din ng fully vaccinated, dahil sa mga lumalabas na iba’t ibang variant at sub-variant ng virus.
Una nang ipinayo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag baguhin ang naturang kahulugan kung sino ang maaaring ituring na ganap na nabakunahan laban sa COVID-19 dahil magdudulot ito ng kalituhan sa publiko.
Samantala, nakapagtala ang DOH ng 2,275 bagong COVID-19 infections, dahilan upang umabot na sa 3,918,329 ang kaso sa buong bansa.
Ayon sa DOH, bumaba ang bilang na ito mula sa 2,619 infections nitong nakalipas na Biyernes at ikatlong sunod na araw na mas mababa sa 3,000 ang naitalang kaso ng ahensiya.
Sa datos ng Health Department, nagkaroon din ng pagbaba ang active infections ng bansa, na nasa 26,271 na lamang, mula sa dating 26,363 cases.
Nakuha naman ng National Capital Region ang highest number of cases sa nakalipas na dalawang linggo, matapos makapagtala ng 10,073 infections, na sinundan ng CALABARZON- 3,666, Central Luzon -2,185, Davao Region – 1,189, at Western Visayas – 957.
Umakyat sa 3,829,544, ang mga nakarekober habang umabot sa 62,514 ang fatality cases.