INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Bureau of Fire Protection (BFP) na imbestigahan ang pagbagsak ng ilang poste ng kuryente sa Binondo, Maynila Huwebes ng hapon.
Sa pahayag ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., inatasan nito si BFP chief Fire Director Louie Puracan na agad na tingnan ang insidente na ikinasugat ng tatlong tao at pagkasira ng walong nakaparadang sasakyan.
Idinagdag ni Abalos na inatasan din ang BFP na makipag-ugnayan sa Manila Electric Company (Meralco), na nagmamay-ari ng mga poste ng kuryente, upang tulungan ang mga apektadong indibidwal at tumulong sa paglilinis ng lugar.
“Lahat ng local government units (LGUs) ay inaatasan na mag-inspeksyon sa mga poste ng kuryente, construction site, billboard, at iba pang katulad na installation na maaaring gumuho o bumagsak sa panahon ng malakas na pag-ulan. Maglalabas ng memorandum circular hinggil sa usapin para matiyak ang pagsunod at agarang aksyon,” ani Abalos.
Ganap na alas-7:20 nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng Manila Public Information Office (PIO) na bukas na sa mga motorista ang Plaza San Lorenzo Ruiz.
Nauna nang isinara ang kalsada para bigyang-daan ang clearing operations.
Naibalik ang suplay ng kuryente sa lugar nitong Biyernes, isang araw matapos itong pansamantalang patayin para sa kaligtasan ng mga responder at residente.
EVELYN GARCIA