PAGBAGSAK NG TOTAL FERTILITY RATE O TFR SA HANAY NG MGA PINAY

MATAAS pa rin daw ang bilang ng mga nabubuntis na babaeng tinedyer.

Mayorya ng teenage pregnancies ay nangyayari sa hanay ng mga pinakamahihirap na Pilipino.

Nangangahulugan daw na ang mga kabataang ito ay kulang sa suporta ng pamilya at ng komunidad.

Ang ilang adolescent childbirth ay repeat pregnancies pa raw.

Matagal nang ibinabala ng mga eksperto na ang panganganak ng mga batang ina ay maaaring magbunga ng premature deliveries.

Nariyan din ang posibleng pagkakaroon ng low birth weight, neonatal complications, at congenital anomalies.

Natatandaan ko pa nga noong 2019 na inihirit ng Commission on Population (Popcom) ang kahalagahan ng pagdedeklara ng teenage pregnancy national emergency sa bansa.

Sa kabilang banda, nakapagtala naman ang Popcom ng pinakamatinding pagbaba ng fertility rate sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Health (DOH), resulta ito ng matinding family planning at education programs ng gobyerno.

Lumitaw kasi sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa 1.9 anak ang naitatala kada babae sa Pilipinas ngayong 2022 o mas mababa kumpara sa 2.7 anak kada babae noong 2017.

Ang sharp decrease ng total fertility rate (TFR) sa hanay ng Filipino women ay hindi naman daw dapat ikaalarma.
Maaari pa nga raw itong gamitin sa pagpapaigting ng socioeconomic development ng bansa.

Sa pag-aaral, sinasabing bawat Pinay ay gustong magkaanak ng dalawa lamang.

Sabi nga ni Popcom Officer-In-Charge Executive Director Lolito Tacardon, nasa “demographic transition” na ang Pilipinas kung saan ang bansa ay patungo na sa mababang antas ng fertility at mortality.

Kung may advantage, may disadvantage naman daw ito.

Maiibsan nito ang poverty rate sa bansa at siyempre, mas mapapalakas ang labor force participation ng kababaihan, bukod pa sa pagpapatindi ng socioeconomic development.

Sa pangamba naman na baka magkaroon ng labor shortage dulot ng pagsadsad ng TFR, nakikita ni Tacardon na mas marami pang obrero ang magkakatrabaho sa 2030 o 2035.

Hanggang nitong Nobyembre 14, ang populasyon ng bansa ay nasa 110,444,512.

Maikukumpara na raw ang TFR ng bansa sa upper middle-income countries na nasa 1.8 children at 1.5 children ng Thailand.

Sa ASEAN Region, ang Pilipinas ang pangatlong pinakamababa kasunod ng 1.1 children ng Singapore. Mas mababa ito kung ihahambing sa Asian average na 2.2 at maging sa 2.0 children ng Latin America at Caribbean.

Mas mababa rin tayo sa fertility levels ng Indonesia, Vietnam at Malaysia.

Ngunit hinimok ni Tacardon ang ilang government institutions, kaalyadong sektor at ilang stakeholders na patuloy na ipatupad at pagtibayin ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 at maging ang national population & development programs upang patuloy na mapipitas sa mga susunod na taon ang bunga ng pagsisikap na ito.

Sinasabing sa kabuuan, bumagsak ang fertility sa lahat ng age groups simula pa noong 2008, maliban na lang sa mga nakababa at nakatatanda (15-19 at 45-49).

Ang 48.8% ng mga kababaihang kasal na edad 15-49 ay nagsasabing ayaw na nilang dagdagan pa ang kanilang mga anak habang nasa 13.9% naman ng kababaihan ang gustong magkaroon ng anak sa susunod na dalawang taon.

Nasa 17.4% naman ang nagsabing gusto muna nilang mag-antay ng dalawa pang taon bago mag-anak uli dahil daw sa hirap ng buhay.

Hindi naman maitatanggi na marami sa mga Pilipino ngayon ang nagdadalawang-isip o ayaw talagang mag-anak.

Sobrang hirap kasi ng buhay, bukod pa sa mababa ang sahod at matindi ang kagutuman na nararanasan sa bansa.

At bagama’t nakatutuwa naman ang biglaang pagbaba ng bilang ng mga teenager na nagbubuntis (15-19), aba’y tandaan na mataas pa rin ang mga numerong ito kung tutuusin.