PAGBAKLAS NG ILLEGAL TERMINAL SA BACLARAN DAANG MANANAKAY ISTRANDED

stranded

PARAÑAQUE CITY – DAAN-DAANG mananakay ang naistranded  dahil sa walang masakyan bunsod ng operasyon kahapon ng Metro Manila Development Autho­rity (MMDA) at Department of Transportation (DOTr) para buwagin ang mga illegal terminal sa Baclaran area.

Bukod sa stranded ay nagkaroon din ng kalituhan ang ilang mga pasahero na bumababa sa bagong bukas na Parañaque Integrated Terminal Express (PITX) at nagkaroon din ng shortage sa mga pampasaherong sasakyan.

Napag-alaman na hindi pa nakalilipat ang iba pang pampublikong behikulo sa PITX dahil sa inaayawan ng ilang mga tsuper ang maikling oras na inilaan sa kanila para pumila at magsakay ng pasahero.

Kung kaya’t marami pa ring pampublikong behikulo ang nag-illegal terminal sa area ng Baclaran, dahilan upang magsagawa ng operasyon dito ang MMDA at DOTR

Maraming pasahero ang nalilito kung saan sila sasakay bagama’t may mga nakaantabay ng mga UV Express, bagong jeep at Bus sa bagong terminal ay kulang pa rin umano at hindi sapat para sa mga naghihintay na mga pasahero.

Ayon sa ilang MMDA traffic enforcer na nagmamando ng trapik sa Coastal area wala pa silang hawak na mandato mula sa kanilang pamunuan na nag uutos na hulihin ang mga bus na hindi pumapasok sa PITX kung kaya’t ang ginagawa lamang nila ay itaboy ang mga bus ng kumukuha ng pasahero sa kahabaan ng Roxas Boulevard.   MARIVIC  FERNANDEZ

Comments are closed.