INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na walang karapatan na malalabag sa gagawing pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga batang nasa edad 5 hanggang 11.
Paliwanag ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, Chairperson ng National Vaccination Operations Center na hindi naman mandatory ang pagbabakuna sa mga bata.
Dagdag pa nito kagaya lamang din ito ng pagbabakuna sa edad 12 hanggang 17 na kailangan ng consent form na may pirma ng magulang habang ang bata ay may kailangan ding sagutan na form.
Samantala, ipinapaliwanag umano sa mga magulang ang mga mangyayari sa pagbabakuna, gaya ng benepisyo at side effects nito.
Muli ring tiniyak ng Health Undersecretary na ligtas ang bakuna at wala dapat ipangamba kahit na emergency use authorization pa lamang ang mayroon sa mga bakunang ito dahil mas lamang ang benepisyo nito kaysa sa panganib. DWIZ882