PAGBAKUNA SA EDAD NA 5-11 UNAHIN BAGO ANG FACE-TO-FACE CLASSES – ROBES

UMAPELA si San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” P. Robes sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (ISTF) na unahin munang bakunahan ang mga batang edad 5-11 bago payagang pumasok para sa face-to-face classes.

Sa kanyang privilege speech noong Lunes, sinabi ni Robes na maging ang mga nasa kolehiyo ay limitado lamang sa mga estudyanteng nabakunahan na kaya’t dapat ay gawin din itong panuntunan sa mga batang nasa kinder at elementary school para sa kanilang proteksiyon.

“Kung ang mga nasa kolehiyo ay pinapagayan lamang nating pumasok ang mga mayroon nang full vaccination status, mas lalo sana nating proteksiyonan ang mga mas batang estudyante na hindi pa bakunado,” pahayag ni Robes.

“Ako po ay isang ina at alam ko ang damdamin sa ating mga anak kapag sila ay pumapasok sa eskuwela lalo na ngayong panahon na ito na may naka-ambang virus na maaring nilang makuha sa kanilang pagpasok. Ang mga may pilot run ng face-to-face classes ay mga bata na nasa 5 to 11 age group na hindi pa nabakunahan dahil wala pang bakuna na pinapayagan sa kanilang edad,” giit pa niya.

Idinugtong pa ng mambabatas na sa kasalukuyan, wala pa aniyang lumilikha ng bakuna ang nagsumite ng kanilang Emergency Use Application (EUS) para sa mga batang may edad na 5 hanggang 11 taong gulang.

Nauna nang ipinahayag ni Food and Drug Administration Director General Eric Domingo na hinihintay pa nila ang Pfizer BioNTech na magsumite ng aplikasyon para sa EUA ng kanilang bakuna laban sa Covid-19 para ilaan sa grupo ng mga bata sa nabanggit na edad. Ang FDA ng Estados Unidos, European Medicines Agency at iba pang bansa ay pinagkalooban na ng EUA ang Pfizer para sa mga batang may edad na 5 hanggang 11-taong gulang.

Sa hiwalay na pana­yam kay Domingo, sinabi niya na nagpahayag na rin ng intensiyon ang Chinese pharmaceutical firm na lumikha ng Sinovac na magsumite ng EUA para sa nabanggit na grupo matapos mapagsama-sama ang mga datus na magpapatunay na ligtas itong gamitin sa populasyon ng mga bata. Ang Sinovac ay kasalukuyang ginagamit na ng China at Indonesia na pambakuna sa mga batang nasa pagitan ng 5 hanggang 11-taong gulang.

Sinabi ni Robes na kung sakali at magsumite na rin ang Pfizer o ang Sinovac ng kanilang aplikasyon, nararapat lamang na madaliin ng FDA ang pag-aaral at pag-apruba sa naturang mga bakuna upang matiyak na may sapat na proteksiyon ang mga bata sa kanilang pagbabalik-eskuwela.

“Kaya ang aking panawagan sa ating FDA na kapag nagsubmit ang mga vaccine manufacturers para sa edad 5 to 11 years ay sana’y madaliin na ang pag-aaral lalo na ang mga vaccines na ginagamit na din sa nasabing age group sa ibang bansa. In the face of this Omicron variant, we owe it to our young children to give them a fighting chance before we allow them to go back to the confines of our educational institutions,” sabi pa ni Robes.

Mahigit 100 pampublikong paaralan na, kabilang ang 28 sa National Capital Region (NCR), ang pinayagan ng Department of Education na magsagawa ng pagsubok sa face-to-face classes. Noong nakaraang linggo, ilang mga pampublikong paaralan sa elementarya ang nagsimula na ng kanilang face-to-face classes.

Sa hiwalay namang pahayag, ini-anunsiyo ng Department of Education ang kanilang plano na isama na rin ang 177 mga paaralan sa buong bansa para sa limitadong face-to-face classes ngayong buwan ng Disyembre na tatagal hanggang Enero ng taong 2022.