PAGBALANGKAS NG IRR BANTAYAN – PALASYO

Spokesperson Salvador Panelo

HINIKAYAT kahapon ng Malakanyang ang mga kinatawan ng rice farmers at stakeholders na maging aktibo at makilahok upang mabantayan ang pagbabalangkas ng binubuong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Rice Tariffication Act.

Ito ayon sa Malakanyang ay upang  matiyak na magi­ging epektibo ang pagpapatupad ng bagong batas at para  rin masigurong mapangalagaan ang pagpapatupad ng IRR kontra sa katiwalian.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo,  mas makabubuting magkaroon ng  aktibong partisipasyon ang mga grupo ng mga magsasaka sa babalangkasing IRR upang sila mismo ay makatiyak na hindi mapapasukan ng mga iregularidad ang nasabing batas.

Nangangamba ang mga magsasaka na baka matulad lamang ang rice fund sa P 723-million fertilizer fund scam noong 2004 kung walang kaukulang safeguards ang ipatutupad na bagong batas.

Samantala, tiniyak ng Malakanyang na “zero tolerance” ang administrasyong Duterte at patuloy na itataguyod ang accountability at transparency sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan. EVELYN  QUIROZ

MGA MAGSASAKA, MAUUBOS

Nagbabala si Butil Rep. Cecilia Leonila Chavez na hindi malabong mawalan na ng magsasaka sa bansa sa oras na maipatupad ang Rice Tariffication Law.

Ayon kay Chavez, malungkot ang klima sa mga lokal na magsasaka nang maging batas ang Rice Tariffication Law na mag-aalis ng limitasyon sa mga iniaangkat na bigas.

Ngayon pa lamang na hindi pa naipapatupad ang batas ay bumaba na ang bentahan ng kada kilo ng palay sa Nueva Ecija sa P14 mula sa P17.

Nangangamba ang kongresista na dahil sa pagbaba ng presyo ng bentahan ng bigas na ani ng mga magsasaka ay posibleng tumigil na sa pagtatanim ang mga ito kung hindi rin lang sila kikita.

Kinukuwestiyon din ng mambabatas kung bakit ipapatupad na ang Rice Tarrification Law sa Marso gayong ginagawa pa lang ang implementing rules and regulation (IRR).

Pakiramdam na aniya ng mga magsasaka ay hindi sila napoprotektahan bago pa man maipatupad ang nasabing batas.  CONDE BATAC

Comments are closed.