PAGBALIK NG DENGVAXIA, ‘DI INIREKOMENDA

dengvaxia

NAPAWI ang pangamba ng mga tumututol sa pagbabalik ng Dengva­xia vaccine sa bansa.

Ito ay makaraang hindi irekomenda ng National Dengue Task Force ang pagpapanumbalik ng Dengvaxia vaccine sa merkado.

Ang certificate of product registration ng bakuna para sa sakit na dengue ay permanenteng kinansela ng Food and Drug Administration (FDA) nitong Pebrero matapos mabigong makapagsumite ng post-marketing surveillance ng produkto ang manufacturer nitong Sanofi Pasteur, na iniapela naman nitong nakaraang buwan ng naturang kompanya.

Ayon kay National Dengue Task Force chairman at DOH Calabarzon Regional Director Dr. Eduardo Janairo, hindi garantisadong hindi na magkaka-dengue ang mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Sa mahigit 8,000 kabataan  nabakunahan, 172,000 sa Calabarzon ang naturukan subalit mahigit na sa isandaan ang nagkaroon din ng dengue infection kahit nakumpleto ang dosage ng bakuna.

Ipinunto rin ni Janairo na hindi maaaring bigyan ng Dengvaxia ang mga hindi pa nagkaka-dengue at mahirap namang ngayong matukoy o matagpuan kung sino-sino ang nagkaroon na ng ganitong sakit.

Bukod pa sa malaking pagtutol ng mga magulang ng mga batang nabakunahan na ng Dengvaxia na maibalik ito sa merkado.

Samantala, sa Quezon City, sinimulan na ang war against dengue na pina­ngunahan ni Mayor Joy Belmonte.

Sa anti-dengue ope­rations sa West Fairview Elementary School, sinabi niyang pagtutulungan ng bawat sektor at sistematikong plano ng pagkilos ang pinakamabisang paraan para sugpuin ang dengue.

Ayon naman sa Que­zon City Health Department, ang lungsod na ito ang may pinakamara­ming populasyon sa buong bansa kung kaya rito rin ang may pinakamaraming bilang ng tao na puwedeng ma-expose sa dengue virus.

Dahil dito, pinaigting ang surveillance at reporting system mula sa mga ospital hanggang sa mga barangay health center kaya mas maraming kaso ng dengue ang naiuulat. Nakatulong din ang paggamit ng NS1 rapid test para sa agarang pag-diagnose ng dengue. BENEDICT ABAYGAR, JR.

CPRs  NG DENGVAXIA BINAWI NG DOH

BINAWI  na nang tu­luyan ng Department of Health (DOH) ang Certificates of Product Registration (CPRs) ng Dengvaxia, na bakuna kontra sa dengue.

Kaagad namang nili­naw ni Health Secretary Francisco Duque III na walang kinalaman ang naturang desisyon sa efficacy o pagiging epektibo ng bakuna, at sa halip ay dahil aniya ito sa kabiguan ng manufacturer nito na Sanofi Pasteur Inc. na tumalima sa regulasyon ng FDA.

Nauna rito, nagdesis­yon ang FDA na permanenteng i-revoke ang CPRs ng naturang dengue vaccine dahil sa patuloy na pagkabigo ng Sanofi na magsumite ng  post-approval requirements.

Kinatigan naman ito ng DOH, sa isang desisyong inilabas nitong Agosto 19 lamang.

“The decision concerns Sanofi’s complete disregard of FDA regulations, which were precisely put in place by law to ensure safety,” paliwanag pa ni Duque.

Nabatid na bilang holder ng CPRs para sa Dengvaxia at Dengvaxia MD, kinakailangan ng Sanofi na tumupad sa post-marketing commitments, kabilang ang pagsusu­mite ng Risk Management Plans (RMP).

“Given that Dengvaxia is an innovative drug, the importance of complying with these post-marketing commitments is critical to public safety,” anang DOH.

Natuklasan ng DOH na bagamat nakapagsumite ang Sanofi ng una at ikalawang bersiyon ng RMP, nabigo naman itong magbigay ng ikatlong bersiyon, at huling naisumite ang ikaapat na bersiyon, na paglabag sa post-marketing commitments nito, na mahalagang rules at regulations ng FDA,  sanhi upang bawiin ang CPRs nito.

Inirekomenda naman ng Dengue Vaccine National Expert Panel sa Sanofi ang pagsusumite ng updated data sa pharmacovigilance at post-marketing surveillance, na magpapakita kung ano ang ginawa ng kompanya sa monitoring at pagpigil sa adverse effect ng sa mahigit 830,000 indibiduwal na nabigyan ng bakuna.

Nanindigan ang DOH na ang FDA ang dapat na umaksiyon hinggil sa re­gistration ng Dengvaxia at sila ay tututok naman para matugunan ang problema ng bansa sa dengue.

“We assure the public that the Department of Health has been working tirelessly in response to the nationwide dengue epidemic. We are intensifying the 4s strategy through our ‘Sabayang 4o-clock Habit’ and ensuring that our health facilities are ade­quately equipped to serve its patients,” pagtiyak pa ng kalihim. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.