PAGBALING SA ISPORTS SA PANAHON NG PANDEMYA

Joes_take

SA PANAHON ng problema at pagsubok gaya ng pandemyang ito, malaking tulong kung mayroon tayong mapagbabali­ngan ng ating atensiyon. Para sa maraming Filipino, ang isports ang isa sa mga bagay na mabisang pagbalingan ng atensiyon, gaya ng basketball.

Bilang isang bansang napakahilig sa basketball, ang isport  na ito ay bahagi na ng ating kultura. Ito ang dahilan kung bakit maituturing na mabisang paraan ang basketball upang makalimot ng kahit panandalian sa mga problema at para mabawasan ang stress na dinadala. Ito ay isa ring mainam na  paraan ng pagbubuklod-buklod ng mga magkakaibigan at magkapamilya habang sama-samang nagpapalipas ng oras.

Ngunit nang tumama ang COVID-19 sa ­ating bansa, at sa buong mundo, pansamantalang ipinahinto ang sports activities. Ang mga isports na nilalaro ng mga koponan ang isa sa mga pinakatinamaan ng epekto ng COVID-19 at kabilang dito ang basketball. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat kung gaano kahalaga ang social distancing ngayong panahon ng pandemya. Sa katunayan, patuloy itong mahigpit na ipinatutupad sa kasalukuyan.

Sa Amerika, nabigyan na ng pahintulot na mu­ling magpatuloy ang mga isport na nilalaro ng isa o hanggang dalawang tao lamang. Sa larangan ng mixed martial arts, naging madali para sa UFC ang humanap ng mga pribadong lugar sa Las Vegas kung saan maaaring isagawa ang kanilang mga labanan. Limitado ang bilang ng mga miyembro ng kanilang production at talagang mahigpit na binabantayan ang kalusugan at kalagayan ng bawat isa.

Dito sa ating bansa, unti-unti na ring nagkakaroon ng pag-asa na maibalik ang basketball. Nakagagalak ang anunsiyo ng PBA na maaari nang magbalik sa training ang iba’t ibang mga koponan.

Bagama’t wala pang konkretong plano ukol sa muling pagbabalik ng ika-45 na season ng PBA na naantala bunsod ng pandemyang COVID-19, maaari nang bumalik sa training ang mga manlalaro. Lubos naman ang pagpapasalamat ni PBA Commissioner Willie Marcial sa pamahalaan at sa IATF sa pagbibigay ng pagkakataon sa PBA na muling makabalik sa operasyon kahit na training lang muna sa ngayon.

Hindi magiging madali sa PBA ang pagbabalik ng operasyon nito. Ang Filipinas ay walang  pasilidad kung saan maaaring gayahin ang ginagawa ng National Basketball Association (NBA). Ang NBA kasi ay maglalagay ng bubble facility na siyang magiging proteksiyon ng mga manlalaro mula sa mga manonood. Nakatakdang magbalik sa regular nitong season ang NBA sa katapusan ng Hulyo.

Sa halip na gayahin ang bubble facility ng NBA, sisiguraduhin na lamang ng PBA na ba­bantayan nilang mabuti at regular na isasailalim sa check- up ang mga manlalaro upang masiguro na talagang isinasagawa ng mga ito ang karampatang pag-iingat na kailangan upang maiwasan ang pagkakaroon ng virus.

Ayon sa mga balita, ang mga manlalaro ng PBA ay hindi maaaring pumunta sa ibang lugar maliban na lamang sa kanilang training facility mula sa kani-kanilang mga bahay. Ito ay isang routine na kailangang mahigpit na sundin ng bawat manlalaro upang hindi sila magkaroon ng exposure sa virus. Ang basketball ay isang team sports. Hindi ito gaya ng boxing kung saan ­maaaring limitahan ang bilang ng mga tao na ­maaaring maglaro. Ang bilang ng mga manlalaro na maglalabas-pasok sa basketball court sa loob ng isang laro ay ang dahilan kung bakit sinasabing mataas ang posibilidad ng mabilis na pagkalat ng virus kung hindi mag-iingat ang mga manlalaro nito.

Ang maganda sa sistemang ipatutupad ng PBA, ang mga manlalaro ay maaaring umuwi sa kani-kanilang mga bahay pagkatapos ng training at ng laro. Hindi gaya ng mga manlalaro ng NBA kung saan sila ay pansamantalang maninirahan sa Disneyland, Orlando, Florida kung saan naroroon ang bubble facility. Sila ay mananatili roon hanggang sa pagtatapos ng season.

Ito ay hindi nanga­ngahulugan na magi­ging madali para sa mga manlalaro ng PBA ang magbalik sa paglalaro lalo na’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso ng ­COVID-19 sa bansa. Bukod sa pagbabalik sa tamang kondisyon, hindi lamang sa pisikal na pangangatawan kundi pati na rin sa usapang mental, kaila­ngang harapin ng mga manlalarong ito ang katotohanang hindi ligtas dito sa Metro Manila. Hindi dahil sa nagbabalik-operasyon na ang ekonomiya ay nangangahulugan na maaari na tayong ma­ging kampante sa ating mga gagawin ngayong GCQ. Ang pagsasailalim sa GCQ ng Metro Manila ay ginawa lamang upang maiwasan ang pagbagsak ng ekonomiya.

Ang mga atleta at mga performer, dahil sa likas na katangian ng kanilang trabaho, ay kaila­ngang tanggapin ang masaklap na katotohanan na talagang maaapektuhan ang kanilang hanapbuhay dahil sa patuloy na pagkalat ng virus. Karaniwan kasing maraming tao ang nanonood kapag sila ay nagtatrabaho na. Bunsod ng COVID-19, tila nawalay sila sa kanilang mga tagahanga. Upang makapagpatuloy sa pagdadala ng saya sa kanilang mga tagahanga, kailangan nilang iakma sa panahon ang kanilang hanapbuhay sa pamamagitan ng pagpe-perform online. Sa ganitong paraan ay may koneksiyon pa rin sila sa kanilang mga tagahanga.

Maaaring ganito rin ang mangyari sa PBA sa muling pagbabalik nito sa torneo. Ang mga tagasubaybay ng mga koponan sa PBA ay malamang na manonood ng mga laro sa kani-kanilang mga bahay. Malaki ang posibilidad na pansamantala ay hindi rin natin mapano­nood ng live ang mga laro ng ating sinusuportahang koponan.

Kung ang pagbabalik ng PBA ay magsisilbing simbolo ng pag-asa para sa iba pang mga atleta, at kung mapatataas nito ang moral ng ating mamamayan sa panahong ito ng matinding pagsubok, ibig sabihin ay mas mahalaga pa ito kaysa sa ating ina­akala.

Sa ating kasaysayan unang nakita kung gaano kahalaga ang musika sa pagbabaling ng atensiyon ng mga tao. Naging epektibo rin ito upang maibsan ang pinagdaraanan ng mga sundalo noong panahon ng giyera. Sa kasaluku­yan, ang larangan ng isports at entertainment ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng positibong disposisyon sa buhay ng mga tao ngayong panahon ng pandemya.

Hinding-hindi matatawaran ang kahalagahan ng isports sa pagpapanatili ng positibong disposisyon ng mga tao. Malaki ang tulong nito sa pagbabawas ng stress, pagdurusa, at maging sa anxiety. Kahit na pansamantala lamang na pagkalimot sa mga dinadalang problema ang dulot ng panonood ng basketball, napakalaking tulong na nito sa ating lahat lalo na sa mga tagahanga ng isports na ito.

Sa pamamagitan ng artikulong ito ay nais kong magbigay-pugay sa ating mga atletang Filipino at sa PBA. Nawa’y manatili silang malusog at ligtas ngayong panahon ng pandemya. Nawa’y maging matagumpay ang kanilang muling paglalaro ng basketball ngayong tayo ay nasa ‘new normal’ na.

Comments are closed.