ni Riza Zuniga
Maasin, Leyte — Ilan lang sila sa libo-libong taga-Maasin, Leyte na nagsikap makabangon sa pinsalang dulot ng bagyong Odette noong nakaraang taon, ika-16 ng Disyembre 2021.
Kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan noong ika-16 ng Disyembre 2022, nagbalik tanaw si Cristy Nolasco Belotindos, 42 taong gulang, sa nakakatakot na dala ng bagyong Odette sa kanilang barangay sa Combado, Purok Langka, Maasin, Leyte.
“Sa isang iglap wala na kaming bahay, kinuha ng dagat at ibinaon sa lupa ang ilang mahahalagang gamit namin na hindi na makukuha pa,” pagsasalaysay ni Cristy.
Ang ibinahagi naman ng asawang si Boyet Belotindos, 42 years old, “Umangat ang dagat ng dakong alas kuwatro ng hapon ng ika-16 ng Disyembre at may storm surge at buhawi na ng ika-anim ng hapon.”
Dagdag pa ni Boyet, “May anunsyo ang LGU na lumikas na, akala namin mahina lamang. Washed out halos lahat dito, ang kabuhayan, ang niyugan, ang sakahan, kasama ang aming mga pump boats.”
“Isang buwang walang kuryente at mahirap din ang tubig,” dugtong ni Boyet.
Ilang mangingisda din ang natulungan ng BFAR na magka-pump boat, pero hindi pa lahat ay nabigyan. Malaki pa rin ang pasasalamat ng mga taga-Maasin dahil kakaunti ang casualties sa kanilang bayan.
“Sa ngayon, naiintindihan na namin ang storm surge, ang epekto ng climate change at ang panganib na dulot ng pagtira malapit sa dagat lalo na kung may bagyo, batid naming lalong titindi ang pinsala ng bagyo, sa mga darating pang taon” pahayag ni Boyet.
Pansamantalang tumira sa tahanan ng kanyang kapatid, ang mag-asawang Boyet at Cristy, habang naghahanda si Boyet sa pag-aasikaso ng malilipatang tirahan at pagtatayo ng munting tindahan para may pantustos sa pang-araw-araw nilang buhay. Malaking tulong ang kaalaman sa pagkakarpentero ni Boyet kung kaya’t hindi naging mahirap ang pagbubuo muli ng bagong tirahan.
Nakatanggap sila ng tulong mula sa International Organization for Migration (IOM), ang halagang limang libo para sa trabaho at halagang sampung libo para sa kahoy at gagamiting pako at yero.
Kahit mahina pa ang kita sa pangingisda ni Boyet, siya ay patuloy na nagsisikap na makapanghuli ng isda sa araw-araw.
Ang bayan ng Maasin ay isang napaka-payapang bayan sa Leyte, tanging ang hatid lang ng bagyo ang sumusubok sa kapayapaan nito.