PAGBANGON NG MARAWI ABOT-KAMAY NA

Marawi

MAGDADALAWANG taon na sa Oktubre 17 ang Marawi Liberation kaya puspusan naman ang Task Force Bangon Marawi sa pamumuno ni Department of Human Settlement and Urban Development (da­ting Housing and Urban Development Council) Sec. Eduardo Del Rosario upang maibalik sa dati o higit pa ang lungsod.

Ang lungsod ay mayroong 24 barangay na nawasak nang kubkubin ng nagsanib na puwersa ng Abu Sayyaf at Maute terror group sa pamumuno nina Isnilon Hapilon at Omar Maute at kapatid nitong si Muhamad Maute.

Nagsimula ang Marawi Siege noong Mayo 23, 2017, kung kailan nasa Russia si Pa­ngulong Rodrigo Duterte, napilitang bumalik agad sa Filipinas at nagwakas noong Oktubre 23 ng nasabing taon.

Ang Marawi siege ang ugat ng deklarasyon ng Martial Law sa Min­danao.

Idineklara ang kalayaan ng Marawi o Marawi Liberation noong  Oktubre 17 sa nasabing taon makaraang makumpirmang napaslang sa bakbakan ang dalawang lider na sina Hapilon at Omar Maute noong Oktubre 16.

MARAMING BUHAY IBINUWIS PARA SA KALAYAAN

Mahigit 1,400 na sundalo at sibilyan ang nasugatan dahil sa paglaban at upang mabawi ang lungsod, 168 sa panig ng pamahalaan ang namatay habang sa kalaban ay 978 kasama ang magkapatid na Maute at si Hapilon habang 12 sa kanilang tauhan ang naaresto.

Naitala rin ang pagkasawi ng 87 na sibilyan kung saan ang 40 ay dahil sa sakit sa kasagsagan ng bakbakan.

MGA ISTRUKTURANG NAWASAK  ITATAYO MULI

Mula mosque, commercial complex, iba’t ibang gusali, paaralan, ospital, at tahanan ay nawasak sa tindi ng bakbakan.

Kaya naman pokus ang pamahalaan sa mga infrastructure project, subalit sinabi ni Del Rosario na magsisimula ang vertical infrastructure kapag ligtas na ang lungsod mula sa mga posibleng naiwan o itinanim na pampasabog sa Marawi City.

Unang itinatag ang Debris Management na may dalawang major component at ang mga ito ay clearing ng unexploded ordnance at debris mula sa nawasak na mga gusali, tahanan at iba pang istraktura.

Sinabi ni Del Rosario na sa Nobyembre ngayong taon ay matatapos ng Debris Management ang kanilang trabaho kaya uumpisahan naman ang vertical infrastructures o magsisimula ang konstruksyon.

Sa Master Development Plan ng TFBM, na isinunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng RISE Marawi City na may kahulugang  Resilience, Identity, Sustainability and Evolution

“We are following the master development plan and the instruction of the president (Pres. Rodrigo Duterte) in one of his speech that Marawi will rise,” ayon kay Del Rosario.

May tatlong pangunahing layunin ang master development plan ng TFBM at ang mga ito ay ang catalyst for growth and sustainability, good governance at peaceful environment.

5 KEY PRINCIPLES NG TFBM MASTER DEV’T PLAN

Ang mga ito ay ang economic growth, inclusive socio-cultural development, environment and tourism opportunities, modern Mindanaoan multi-cultural sensitibility at regional connectivity.

Gayuman, ang pina­kasisikapan ng pamahalaan ay maibangon, hindi lamang gaya ng dati ang Marawi kundi higit pa na maunlad, ligtas at mapayapa.

Pangunahing bu­bu­husan ng bilyong pisong pondo ang pagtatayo ng ospital, Madrasa o education institution for Muslim, mga tanggapan ng pamahalaan  at tahanan para sa mga nawalan ng tirahan, pagpalawak ng daanan (road widening), traffic lights  at mga pangunahing pasilidad gaya ng  electricity, water system at maging paglalagay ng  closed-circuit television at telecommunications.

Kasama sa unang itatayo ang protective facilities gaya ng maritime headquarters, police and fire stations at correctional; halal slaughter house, multi-level carpark, pagbabalik Agus River at Lanao Lake Promenade.

Sa ikatlong prayoridad ang convention center, peace memorial park habang sa pagpapaunlad ng turismo ay ang planong preservation ng historical site gaya ng Bato Mosque at multi-modal transportation hub.

Sa lawak ng plano para sa rehabilitation effort sa Marawi City, kumbinsido si Del Rosario na magtatagumpay sila para maabot ang takdang araw o deadline.

“By following the instruction of the President (Duterte), we are sure Marawi City will rise and be prosperous again,” dagdag pa ni Del Rosario.

Tiniyak din ni Del Rosario na sa December 2021 ay kompleto na o nakabangon na ang Marawi City.

“We are confident that the schedule of December 2021 will be undertaken,” pagtiyak ni Del Rosario.

Comments are closed.