PAGBANGON SA NEGOSYO MULA SA EPEKTO NG BAGYO

dok benj

Tanong: Paano ako muling makakabangon sa pagbi-business, nabaha ang aming tindahan?

Sagot: Ikinalulungkot namin ang naging epekto ng bagyong Ulysses sa inyo at nawa ay huwag kayomg mapanghinaan ng loob at sa halip ay gamitin ninyo ang masamang pangyayari na ito na maging pagkakataon sa inyong pagnenegosyo.

Ipagpapalagay po nating kumikita ang business ninyo bago mangyari ang hagupit ng bagyo kaya magandang maipagpatuloy. Ang una ninyong problema ay ang magiging puhunan, narito ang ilang tips para malaman ninyo ang puwede ninyong gawin sa inyong pagbangon at magkapuhunan muli:

  1. Prepayment o Advance Payment – maaari kayong sumulat o kumausap ng mga regular client ninyo at mag-offer kayo ng produkto o serbisyo ninyo sa future transactions na kung maaari ay ngayon sila magbayad o advance payment bilang tulong na rin nila sa inyo, kapalit ng discount. Kumbaga, magpa-pre-payment kayo at agreement na sa future ay dadalhin ninyo ang produkto o serbisyo. Kung mapagkakatiwalaan kayo ng mga regular client ninyo, tutulungan nila kayong makabangon. ‘Di gaya ng nagsisimula pa lang kayo noon wala pa kayong credible na history, ngayon ay mapagka-katiwalaan na kayo.
  2. Manghiram – maaari kayong manghiram ng puhunan sa gobyerno, bangko o mga kakilala. Mayroon na po kayong magandang business na masasabing kumikita at ‘di po kayo mahihirapang manghiram. Kailangan lamang ma-compute ang kikitain ninyo vs babayarang interest sa pangungutang. Ang ating gobyerno ay nag-o-offer ng murang interest, makipag-ugnayan sa local government.
  3. Partnership – Maghanap ng puwedeng maging bagong partner sa negosyo. Ito ay para magkaroon ka ng puhunan at i-offer mo ang small percentage ng ownership ng inyong business.
  4. Collaboration – Makiisa sa iba pang mga apektado ng bagyo. Magtulungan kayo at kapag kayo ay grupo mas madali ninyong mailalapit ang sitwasyon sa gobyerno at magkakatulungan kayo sa business, puwede ninyong gawing network ng mga produkto. At ang pagpapaayos ng inyong busi-ness ay mas makakamura kung marami kayong magpapaayos.
  5. Other Services – mag-offer kayo ng ibang services ninyo sa ibang kompanya na maaari niyong pagkuhaan ng cash inflow. Maaaring ‘di muna ninyo pansamantlang buksan muli ang business hangga’t ‘di pa kayo nakakaipon ng puwedeng puhunan. Maaari mo ring parentahan ang iba mong ari-arian o gamit para makalikom ng cash.

Sa ganitong sitwasyon, pagkakataon ninyong isipin kung dapat pa bang ituloy ang business o baguhin at magkaroon ng pagkakataong palakihin pa. Maaari mo nang ilapit ang business mo sa ibang tao dahil masasabi mong may tsansang lumago ang pera nila sa business mo. May mga available ding space sa ibang lokasyon na maaari mo na ring paglipatan at hindi na maranasan ang pagbaha muli.

Ituring ang bagyo na pagkakataong maiayos na ang lahat at huwag mahiyang lumapit sa iba dahil ibabalik mo naman ang kanilang pera ng may interest dahil tiwala ka sa muling pagbangon ng negosyo mo.

 

Comments are closed.