PINAPURIHAN ng kampo ni 2022 presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pasya ng Comelec na ibasura ang isa sa mga disqualification case laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, ang kathang-isip sa pagsusulat at paghahangad ng mga petitioner ng anumang hindi nakasaad sa batas ang naging batayan ng COMELEC 2nd division upang ibasura ang hiling na kanselahin ang Cmcertificate of candidacy ng dating senador.
Masyado aniyang mababaw ang petisyon upang baluktutin ang mga pangunahing prinsipyo ng Saligang Batas.
Nagpasalamat naman ang kampo ng dating Ilocos Norte Governor sa Commission on Elections sa pagpapanatili sa batas at karapatan ng bawat tunay na kandidato tulad ni Marcos na tumakbo sa anumang public position nang walang diskriminasyon.
Samantala, hinimok ni Rodriguez ang lahat, maging ang kanilang mga kalaban na makipagkapit-bisig para sa pagkakaisa upang matiyak ang isang malinis, patas at mapagkakatiwalaang halalan bilang kontribusyon sa pagtataguyod ng bansa para sa kinabukasan ng bawat Filipino.