MAYAMAN sa mga obra ang sining at kultura ng Pilipinas, mapa-musika man o literatura, sining biswal, sayaw, teatro, arkitektura, pelikula, at iba pang sektor ng sining. Ang mga tao sa likod ng mga likhang ito—ang mga artista, mananaliksik, kritiko, taga-suporta, at iba pa—ang siyang dapat bigyan ng pagkilala para sa mga likhang sining at gawaing kultura na ito.
Isinagawa kamakailan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang 2020 Gawad CCP Para sa Sining awarding ceremony para sa 13 mga katangi-tanging indibidwal, isang performance group, at isang publikasyon. Ang mga parangal ay para sa taong 2020 ngunit dahil sa pandemya, ngayon lamang Setyembre 2022 isinagawa ang face-to-face na seremonya sa CCP.
Ang Gawad CCP Para sa Sining ay ang pinakamataas na pagkilala na iginagawad ng CCP para sa mga indibidwal o grupong mayroong natatangi at mahusay na likha o kontribusyon para sa sining at kultura ng bansa.
Para sa taong 2020, ang mga ginawaran ng parangal ay ang mga sumusunod: Nonoy Froilan para sa Sayaw, Raul Sunico para sa Musika, Nonon Padilla para sa Teatro, Junyee para sa Sining Biswal, Lualhati Bautista para sa Panitikan, Doy del Mundo, Jr. para sa Pelikula at Sining Brodkast, Cristina Turalba para sa Arkitektura, Kenneth Cobonpue para sa Disenyo, ang Integrated Performing Arts Guild (IPAG) para sa Kultura mula sa mga Rehiyon, Nestor Horfilla para sa Gawaing Pangkultura at Pananaliksik, Liwayway Magazine para sa Paglinang ng Kultura ng Pilipinas, Antonio Fabella para sa Sayaw (posthumous), Alice Guillermo para sa Pananaliksik Pangkultura (posthumous), at ang Tanging Parangal para kay Danny Dolor para sa kanyang suporta sa pagpapayaman ng sining at kultura sa bansa.