IPINATUPAD kahapon, araw ng Sabado, ang karagdagang pagbabawas sa alokasyon ng tubig na nanggagaling sa Angat dam matapos itong umabot sa critical level.
Ayon kay Dr. Sevillo David Jr., executive director ng National Water Resources Board (NWRB) dakong alas-6 ng umaga ay 159.78 metro ang level ng tubig sa dam, na ibig sabihin ay patuloy siyang bumababa kaya ang pagbabawas natin ng alokasyon mula 40 cubic meters per second hanggang 36 cubic meters per second simula kahapon.
Ang normal na alokasyon mula sa Angat dam patungong Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at concessionaires nito ay 46 cubic meters per second.
Nitong mga nakaraang araw, 40 cubic meters per second na lang kaya hindi na normal ang serbisyo ng water supply sa Metro Manila.
Sa panibagong pagbabawas sa alokasyon na 36 cubic meters per second, inaasahang magkakaroon ng panibagong pagbabago sa serbisyo at posibleng dumami pa ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng hindi normal na supply ng tubig.
Dahil dito ay suspendido ang pagbibigay ng alokasyon para sa irigasyon ng mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga dahil priority sa pagkakaloob ng supply ang mga kabahayan.
Umaabot sa 0.4 meters hanggang 0.5 meters ang pagbaba ng tubig sa Angat dam kada araw lalo na’t wala pang pag-ulan para mapunan muli ito.
Ang pinakamababang antas ng lebel ng tubig na inabot ng Angat dam ay noong taong 2010 na panahon din ng El Niño.
Halos 96 porsiyento ng tubig sa Metro Manila ay sa Angat nanggagaling.
Ipinapayo naman ang pagtitipid at pag-recycle ng tubig.