NANINIWALA si Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor na mas malaki ang matitipid ng isang pamilya kung ibababa ang 12% E-Vat sa 10% VAT kumpara sa P25 salary increase sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Sa kanilang pag-aaral, sinabi ni Villanueva na base sa family income expenditure survey ng Philippine Statistics Office, lalabas na makatitipid ng P1,250 ang average family kada buwan kumpara sa matatanggap na P25 na dagdag sahod sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Kalakhang Maynila.
Dahil dito, maghahain si Villanueva ng panukalang batas sa pagbabalik ng sesyon sa Lunes na naglalayon na ibaba ang VAT mula sa 12% patungong 10% at ang rationalization ng tax incentives.
Ayon sa senador, panahon na upang ibaba ang VAT sa 10% dahil na rin sa nararanasang inflation rate at tumataas na presyo ng bilihin kaya’t panahon naman na makatikim ng ginhawa ang mamamayan para maramdaman ang pahayag ng economic managers na umangat ang GDP.
Iginiit pa ni Villanueva na ang Filipinas ang may pinakamalaking VAT sa Asya kumpara sa Singapore, Vietnam at Thailand.
At upang hindi maisip ng gobyerno na mawawalan ng pondo ang pamahalaan sa pagbaba ng VAT, nais naman ni Villanueva ang rationalization sa tax incentives.
Dapat umano ay noon pa ginawa ito dahil ang binigyan ng tax incentives ng mga nakaraang administrasyon ay ang ilang kompanya na dapat sana ay pansamantala lamang subalit hanggang sa ngayon ay patuloy itong pinakikinabangan. VICKY CERVALES
Comments are closed.