APRUBADO na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatanggal ng health emergency status (HES) dahil sa COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, “in principle” ay inaprubahan na ng Pangulo ang nasabing status.
“Yes, actually, this was one of his first instructions to me, to really get out of the COVID pandemic,” ayon kay Herbosa.
Nang tanungin kung maglalabas ng executive order ang Pangulong Marcos, sinabi nito na naghihintay na lamang sila sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa resolution.
Paliwanang pa ni Herbosa, bagaman walang nilagdaan ang Pangulong Marcos, wala nang balakid ngayon at nagkaroon lang noon ng pagkaantala dahil may parating na bivalent vaccine.
“So, if that is not yet signed, I will follow it up with a reiteration. Because I think, at that time, they were still hesitant because there was still the problem of how we get the bivalent if we lift it. But now, I think that obstacle is gone, kasi may CPR (certificate of product registration) na tayo and everything,” ani Herbosa.
Sa ngayon, ikinokonsidera ng World Health Organization na ang COVID-19 ay isa na lamang sakit at maging ang mga dalubhasa ay ikinokonsidera na lamang itong respiratory illnesses.
Ang mga peligroso lamang sa nasabing sakit ay ang mga matatanda at mayroong medical conditions, immunocompromised subalit sa ngayon ay pababa na ang bilang ng mga nasasawi.
Samantala, bagaman nirekomenda ng IATF ang lifting ng health emergency status, pag-aaralan pa rin ng Office of the President ang ilang considerations gaya ng official lifting nito kasama na ang effectivity ng Emergency Use Authorization (EUA) para makakuha ng bivalents.
Kapag tuluyan nang ma-lift ang HES ay maaari nang mabili sa commercial drug store ang bivalent vaccines. EVELYN QUIROZ