PAGBEBENTA NG GOLD RESERVES LIMITAHAN

GOLD RESERVES

BINALAAN ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kaugnay sa plano nitong pagbebenta ng gold reserves ng bansa sa kabila ng kinakaharap na krisis pangkalusugan dulot ng COVID-19 pandemic.

Ginawa ni Tolentino ang babala sa kasagsagan ng deliberasyon ng Senate Committee on Finance hinggil sa panukalang P4.5- trillion National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2021.

Partikular na tinukoy ng senador ang napaulat na nais ng BSP na ibenta ang ilang porsiyento ng gold reserves ng bansa para mabawasan ang share nito sa gross international reserves (GIR).

Base sa record ng BSP, pumalo na sa $98.6 bilyon ang international gold reserves ng Filipinas.

Kaya paalala ni Tolentino kay BSP Deputy Governor Francisco Dakila, may probisyon sa ilalim  ng Republic Act No. 7653 o ang New Central Bank Act of 1993 na may limitasyon sa pagbebenta ng gold reserves ng bansa habang may umiiral na ‘emergency situation’.

Partikular na binigyang-diin nito ang Section 72 ng RA 7653 o ang Act’s provision on “Emergency Restrictions on Exchange Operations” kung saan maaaring pansamantalang suspendihin o di kaya’y higpitan ang lahat ng transaksiyon ng BSP pagdating sa gold at foreign exchange.

“The BSP family should be aware of RA 7653 specifically Section 72 and I quote, emergency restrictions on exchange operations… they may temporarily suspend or restrict the sales of gold,” ani Tolentino.

Depensa naman ni Dakila, maliit lamang na porsiyento ng gold reserves ang kanilang ibebenta.

Dagdag pa niya, ang planong pagbebenta ng gold reserves ay hindi lamang diskresyon ng BSP treasury department kundi maging ng Monetary Board.

Nauna nang sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na 10 porsiyento lamang ng GIR ng bansa ang ilalaan sa mga ginto. Gayundin, anumang pagbabagong mangyayari ay alinsunod sa kondisyon ng merkado.

Gayunpaman, binalaan ni Tolentino si Dakila na posibleng may malabag na batas ang BSP at Monetary Board sakaling ituloy nito ang plano lalo pa’t nasa ilalim ng ‘national emergency’  ang bansa.

“So any action taken, the discretionary actions taken by the Treasury Department even it is pursuant to a Monetary Board resolution, should take into account the national emergency we are in right now,” dagdag ni Tolentino. VICKY CERVALES

Comments are closed.