PAGBEBENTA NG MURANG BIGAS TULOY – PALASYO

PRESYO NG BIGAS

NANGAKO ang Malacañang kamakailan na patuloy na magbebenta ang gobyerno ng murang bigas para sa mga Filipino sa kabila nang napipintong pagpirma ng batas na magpapahintulot ng liberalisasyon sa industriya ng bigas.

Siniguro ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos sabihin ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na hindi na umano magbebenta ng murang bigas ang National Food Authority (NFA) kapag naisabatas na ang tariffication bill.

“The President will ensure that even with the tariffication of rice and liberalization of the industry, the NFA shall continue to provide the public, particularly the less fortunate, with rice that is affordable and safe,” pahayag ni Nograles.

Sinabi ni Nograles na kapag naipasa na ang nasabing batas, didirektahan ang NFA na bumili ng palay sa mga magsasaka ng bansa at kasama ang Department of Agriculture, magpopokus sa pagpapabuti ng cost-efficient systems na makatutulong na magpababa ng production cost ng locally-produced na bigas at mapanatili ang presyo.

Sa ilalim ng kasalukuyang setup, nakaatas sa NFA  ang pagpapanatili ng presyo sa pagbili ng palay sa mga magsasaka at ibebenta ito ng P27 at P32, na mura kompara sa commercial rice.

Ang panukalang Rice Tariffication Law na inaprubahan ng Kongreso noong Nobyembre, ay mag-aalis ng karapatan ng NFA na mag-angkat at mamahagi ng murang butil, lahad ni agency officer-in-charge Tomas Escarez.

Ang paggalaw na ito ay mag-iiwan sa ahensiya ng solong gawain ng pagbili ng butil mula sa mga magsasaka para mapanatili ang buffer stocks para sa kalamidad at emergencies, pahayag niya.

Samantala, sinabi ni Piñol kung pahihintulutan  ng implementing rules ng batas ang NFA na magbenta ng bigas, kaila­ngang ibenta ng ahensiya ang bigas ng P33 para mabawi ang puhunan.

Hindi naman pinahin­tulutan ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang alalahanin nang pagtaas ng presyo ng bigas kapag naipasa na ang batas.

“Kapag ni-liberalize mo naman eh magkakaroon ng competition in the market. So magpapababaan sila ng presyo, otherwise hindi sila mabibili, hindi ba? Kaya nga law of supply and demand iyan eh,” sabi niya.