TINUTUKAN ngayon ni Philippine National Police chief General Rodolfo Azurin ang pagbebenta ng police uniforms kahit sa online.
Ito ay matapos na makaladkad ang kapulisan sa naganap na pananambang kina Aparri Vice Mayor Rommel Alameda na ikinasawi nito at ng limang iba pa, ng mga armadong kalalakihan na nakasuot ng uniporme ng pulis.
Kaugnay nito ay mahigpit na ipinag-utos ni Gen. Azurin na beripikahing mabuti kung mayroon nga bang tauhan ng PNP na sangkot sa naturang krimen o kung nagdamit lamang ang mga ito ng police uniform para iligaw ang imbestigasyon at ikubli ang kanilang pagkakakilanlan.
Bukod dito ay pinasisiyasat din sa binuong Special investigation task group kung paano nakuha at nagamit ng mga salarin ang plate number ng impounded na sasakyang sa isang eskuwelahan sa kanilang ginamit na Mitsubishi Adventure getaway vehicle.
Kasabay ng direktiba sa Police Regional Office 2 na gamitin ang lahat ng kanilang resources sa isinasagawang imbestigasyon para sa kakikilanlan ng mga suspek.
Kung maaalala, bumuo na rin ng Special Investigation Task Group ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office para tutukan ang imbestigasyon sa naturang krimen.
Samantala, inatasan na rin ni Azurin ang PNP para sa mas mahigpit na crackdown sa mga ilegal na paggamit at pagbebenta ng mga police uniform sa bansa matapos na lumitaw na nakasuot ng “pixelized police uniform” ang mga nanambang at pumatay kay Alameda at limang iba pa.
Ayon kay Azurin, dapat humingi muna ng kaukulang dokumento ang mga nagbebenta ng uniporme ng pulis sa kanilang pinagbebentahan. Inatasan din ni Azurin ang PNP Anti-Cybercrime Group na huliin ang mga online-seller ng uniporme ng pulis.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan, agad na inatasan ni PNP chief Azurin ang lahat ng mga regional director sa bansa at gayundin ang buong hanay ng kapulisan na paigtingin pa ang kampanya nito pagdating sa paggamit ng mga uniporme. VERLIN RUIZ