PAGBENTA MULI NG NFA RICE SA PALENGKE ISUSULONG NI CONG TULFO

“Magbenta muli ng NFA rice sa mga palengke para maging affordable ang bigas sa lahat”.

Ito ang isusulong ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo ngayong linggo sa Kamara.

Ayon kay Cong. Tulfo, “ito lang ang tanging paraan para bumaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan”.

“Noong may NFA rice pa sa palengke, mas mura sila ng P5 to P10 per kilo kumpara sa regular commercial rice”, ayon kay Tulfo na siya ring House Deputy Majority Leader.

Aniya, “pero para mangyari ito, kailangan na talagang ibasura itong RA 11203 o Rice Tariffication Law”.

Ayon kasi sa nasabing batas, ipinagbabawal na sa National Food Authority (NFA) ang pagbebenta ng bigas bagkus ito ay maaring mag-imbak na lang ng bigas bilang buffer stock ng bansa para sa panahon ng emergency.

“May mga batas kasi tayo na di na naangkop sa panahon kaya kailangan ng rebyuhin o ibasura”, dagdag pa ng mambabatas.

Pahabol ni Tulfo, “kagaya ngayon mahal ang bigas at naghahanap ang tao ng murang bigas…and its only NFA that can deliver that”.