PAGBI-BREEDING VERY EXCITING

SABONG NGAYON

BAGAMA’T late na nang pa­sukin niya ang pagmamanok, labis naman ang kasiyahan  na naidulot nito sa buhay niya nang tuluyan na siyang mapaibig sa sport na ito.

Ayon kay Nemisio ‘Kano’ Raya ng Pasuluhan Gamefarm ng Cardona, Rizal, nagsimula siyang mahilig sa manok noong  25 years old na siya pagkatapos niyang mag-aral sa kolehiyo at nagtatrabaho na.

Nagsimula, aniya, siya sa paisa-isang manok, mga mumurahin lang na manok na bi­nibili niya lang kung saan-saan.

Minsan ay niyaya raw siya noon ng kaibigan niya na bumili ng mga panlabang manok na tig-P3,000 o P5,000.  Aniya, noong araw ay medyo malaking halaga na iyon at magandang klaseng manok na. At nagpapanalo naman daw.

Hanggang sa maisipan na niyang mag-breed. Wala aniyang nagturo sa kanya sa tamang pag-aalaga ng manok panabong kundi nag-aral siyang mag-isa, inaral niya kasi hindi naman siya uma-attend ng mga seminar.

Pero bago siya mag-breeding, nag-research muna siya kung saan maganda kumuha ng mga materyales at nanonood siya sa mga big event para makita niya kung sinong breeder ang consistent na maganda ang score at nagtsa-champion.

At nakita niya ‘yun kay Engr. Sonny Lagon kaya roon siya kumuha ng mga materyales na gagamitin niya sa kanyang pagpapalahi. Kaya bumili na siya kay Lagon ng isang broodcock na nagkakahalaga ng P75,000 at  inahin na nagkakahalaga ng P25,000. Naging maayos naman ang  breeding at naging maganda naman ang naging resulta.

At maski ngayon ay bumibili pa rin siya ng mga materyales kay La­gon bagama’t may kamahalan para sa upgrading ng kanyang mga linyada.

Kumukuha rin siya ng imported breeding materials through Lagon. Si Lagon ang nagpupunta sa Amerika at binibili na lang niya rito, kaya nagpapasalamat siya rito kasi ay maganda ang ibi­nibigay sa kanya.

Para kay Kano ay napaka-exciting ang mag-breed lalo na’t siya ang pumipili ng pullets at broodstags na gagamitin sa breeding, at mas nakaka-excite ‘yung makapagpalabas ka na ng sisiw.

Sa ngayon ay kilala na ang farm niya at katunayan, siya lang ang local endorser ng Thunderbird sa buong lalawigan ng Rizal. Sa ngayon, marami na siyang buyer na mayor ng Masbate, La Union at iba pang big time cocker sa iba’t ibang lugar.

Aniya, ang isang breeder ay walang kasiyahan dahil kahit mayroon na  siyang winning line at magandang manok ay naghahanap pa rin siya ng iba’t ibang bloodlines, at once na makatagpo siya ng bloodline na maganda ay excited na ulit siya.

Maski nasa kama na siya para matulog ay mayroon siyang ballpen at papel sa kanyang tabi dahil kapag may espes­yal na pumapasok sa isip niya ay isinusulat niya para pagbaba niya ng farm ay itse–check niya itong naisip niya dahil wala namang nagtuturo sa kanya.

Aniya, noong nahilig siya sa sabong ay gusto niya lang mag-alaga ng pailan-ilan hanggang sa dumami na, at hindi niya naisip na ito ay magiging isang negosyo.

May 24 hectares ang kanyang farm sa Tanay at ang kanyang conditioning area naman ay nasa baba ng bahay niya sa Cardona na dati niyang manukan noong iilang piraso pa lang ang alaga niya.

Very hands on sa pagmamanok si Kano. Siya ang nagkokondis­yon, nagse-set ng breeding at personal niyang ini-inspection ang kanyang mga sisiw. Aniya, matalas ang mata niya sa mga sisiw na tinatamaan ng sakit kaya ginagamot niya agad ang mga ito dahil once na nagkaproblema ang mga sisiw, kapag 3 days na tinatamaan ng sakit, mahirap na itong habulin.

Bukod sa pagmamanok, abala rin siya sa kanyang mga negosyo gaya ng fish pen, piggery at poultry.

At kahit magretiro na siya, hanggang malakas siya ay mag-aalaga pa rin, aniya, siya kahit ilang piraso na pang-personal na gamit lang niya.

“’Pag masaya kasi ang isang tao ay parang buong katawan mo magiging masigla, parang pampahaba ng buhay kaya pasalamat ako at nakahiligan ko ang sabong kahit wala sa plano ko, bigla akong nahilig sa pagmamanok,” ani Kano.

Comments are closed.