PARA yumaman, karaniwan sa maraming tao ang humingi, kumuha, magnakaw o manloko ng kapuwa. Hindi likas sa kanila ang pagbibigay. Kung tutulong man sila, kadalasan ay mapagtawag sila ng pansin o mapaghanap ng papuri ng tao. Gusto nilang lumitaw na mga mabubuting tao raw sila, mapagkawanggawa at mahabagin sa kapuwa. Maganda sana ang maging mapagbigay. Ang mga taong mapagbigay ang dapat sanang yumaman, dahil sa kanilang pag-asenso, pinagpapala nila ang marami.
Subalit, hindi nakalulugod sa Panginoon iyong klase ng pagbibigay na naghahanap ng papuri ng tao. Ang tipikal na gumagawa nito ay ang maraming corrupt na mga politiko. Ginagamit nila ang salapi ng bayan (mga buwis mula sa taumbayan), at kapag gumawa sila ng mga proyektong pambayan ay magtatayo sila ng mga malalaking karatula at ipangangalandakan nila ang mga mukha at pangalan nila at lalagyan pa kunwari ng pagbati: “Merry Christimas sa lahat!” o “Congratulations, fresh graduates!” o “A project of Mayor Kurakot!” o “Serbisyong Bayan ni Congressman Manggagantso!” Mga walang kahihiyan ang mga taong ito. Pera naman ng bayan iyon subalit aangkinin nila ang papuri. Ang layunin nila ay ang manatili sa kapangyarihan. Walang aasahang gantimpala mula sa Diyos ang mga taong ito. Panlupa lang ang pakinabang nila. At kapag hindi sila magsisisi sa kanilang pagbabalatkayo, ‘di magtatagal at babagsak ang paghihiganti ng Diyos laban sa kanila, mabibisto sila at mahuhulog sa malaking kahihiyan at pagkalaos.
Ang turo ng Panginoon:
“Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao angpagtupad ninyo sa inyong mga tungkulin sa Diyos. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit. Kaya nga, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila’y purihin ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipaalam ito maging sa matalik mong kaibigan. Gawin mong lihim ang iyong pagbibigay ng limos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”(Mateo 6:1-4)
Ang mga mabubuting tao ay tunay na mapagbigay. Ginagawa nila ang kanilang pagkakawanggawa alang-alang sa Diyos at hindi para sa tao. Hindi sila naghahangad ng papuri ng tao. Ang gusto nilang mabigyan ng kapurihan ay ang Panginoon. Kaya madalas, gusto nila na ang pagbibigay nila ay ‘anonymous’ o walang pagkakakilanlan. Kung maaari, ayaw nilang malantad ang kanilang pangalan. Naniniwala sila sa prinsipyong “Anuman ang gawin mo, gawin mo ito ng buong puso, alang-alang sa Panginoon, at hindi para sa tao” (Colosas 3:23).
Ang mga taong ito ay may takot sa Diyos. Ang gusto nila, Diyos ang maggaganti sa kanila, at hindi tao. Umiiwas sila sa pasasalamat o papuri ng mga tao. Kinikilala nila na ang kanilang mga ari-arian ay hindi kanila. Ang tunay na may-ari ng lahat nilang tinatangkilik ay ang Diyos. Ipinamahala lamang ng Diyos sa kanila ang lahat ng mga ito. Naniniwala silang “ang naghahasik nang marami ay aani ng marami; ang naghahasik nang kaunti ay aani ng kaunti” (2 Corinto 9:6). Matipid sila. Hindi sila maluho. Gusto nilang i-maximize ang pagbibigay nila.
Hindi sila lumilimot sa pagbigay ng hindi kukulangin sa ikapu ng kanilang suweldo o kita ng negosyo. Ibinibigay nila ito sa simbahan, o inaambag nila ito sa mga charitable organization o mga mapagkawanggawang ahensiya. Ang marami sa kanila ay higit pa sa 10% ang binibigay. May mga kilala akong ang ibinibigay mula sa kanilang tinatangkilik ay 20%, 50% o 90%. Mga anonymous generous giver sila. Subalit kahit gaano kalaki ang ibinibigay nila, hindi pa rin sila kinukulang. Hindi sila naghihirap. Dahil pinagpapala sila ng Panginoon.
Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.