PAGBIBIGAY-PUGAY SA PAMANA NG EDSA

TILA mas malaki ang mga selebrasyon sa paggunita sa 1986 People Power Revolution ngayong taon.

Iba’t ibang kaganapan ang nagsimula mula pa noong ika-22 ng buwan, at may mga patuloy na programa pa rin hanggang ngayong araw, kagaya na lang ng democracy march at misa ngayong araw bandang alas-3:00 n.h. sa De La Salle University Dasmariñas campus sa Cavite.

Kahit na inalis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anibersaryo ng People Power Revolution sa listahan ng mga pista opisyal ngayong taon, nag-organisa ang maraming Pilipino sa buong bansa ng iba’t ibang programa upang alalahanin ang araw na ito.

Noong Biyernes, nagtipon ang mga lider at ilang kilalang personalidad sa EDSA Shrine para sa isang Misa na nagbigay-pugay sa pamana ng EDSA. Nagkaroon din ng mga programa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang isang linggong pagdiriwang sa Makati City at isang motorcade at konsiyerto sa Metro Manila.

Ang isang magandang proyektong inilunsad ngayong taon ay ang Project Gunita map, bahagi ng kampanyang #RoadToEDSA. Ipinakikita ng proyektong ito ang isang serye ng mga infographics sa mga kaganapan at mapa ng mga lokasyon na may kinalaman sa pag-aaklas noong 1986.

Nagbibigay-daan ito upang mas maintindihan ng mga Pilipino ang sariling kasaysayan. Ang mapa ng Maynila ay nagtatampok ng 28 na mahahalagang lugar sa Quezon City, Maynila, Makati, at Taguig, bawat isa ay mahalaga sa konteksto ng ating kasaysayan.

Ang layunin ng kampanyang #RoadToEDSA ay alisin ang mga maling akala hinggil sa kilos-protesta laban sa dating Pangulong Marcos. Halimbawa ay ang paglilinaw na hindi lamang sa EDSA at Mendiola naganap ang mga pag-aaklas. Sa pamamagitan ng kampanyang ito, makikita ang mga mas maliliit na kilos-protesta na nag-ambag upang maisakatuparan ang EDSA.
(Itutuloy)