PAGBIBIGAY-PUGAY SA PAMANA NG EDSA

(Pagpapatuloy)
SA USAPIN ng EDSA Revolution, may ilan sa ating naniniwala na ang ilang impormasyon tungkol dito ay nalalaman lamang ng mga akademiko, historyador, at yaong mga sumusubaybay sa isyung ito.

Kaya naman layunin ng mga gumawa ng Project Gunita Map na makatulong ito upang mas maraming tao ang maging interesado at magkaroon sila ng mas maraming kaalaman tungkol sa kasaysayan. Kasunod na rito, siyempre, ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa kasaysayan at bansa.

Isa namang hiwalay na mapa ng Cebu ang inilunsad noong ika-21 ng Pebrero bilang bahagi pa rin ng kampanyang #RoadToEDSA. Ito ay sumisimbolo sa dalawang sentro ng pag-aaklas at paglaban sa diktadura: ang Maynila bilang sentro ng kapangyarihan at ang Cebu bilang sentro ng oposisyon.

Mahalaga ang pagpapanatili ng kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng katotohanan sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataang hindi pa buhay o masyado pang bata noong panahon ng EDSA.

Sa kasamaang-palad, marami ang naniniwala sa maling impormasyon na kumakalat ngayon, halos 40 taon makalipas ang EDSA. Ngunit kailangan nating gisingin ang alab ng damdamin ng bawat isa at buhayin sa bawat puso ang pagmamahal sa bayan at kapwa.

Hindi libre ang pagkamit ng ating kalayaan. Kailangan nating maunawaan na marami sa mga kalayaang tinatamasa natin ngayon ay bunga ng mga sakripisyo noong panahong iyon, noong mga huling taon ng diktadura. Kaya naman, dapat nating ingatan ang ating demokrasya, pangalagaan ito, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang siguruhing hindi ito muling maaagaw sa atin.

Hindi nga naman madaling gawin ang bagay na ito, ngunit kailangan nating patuloy na magsikap—kahit na may mga personal na limitasyon tayo, sa kabila ng pagkakawatak-watak natin bilang mga Pilipino, at kahit na marami sa atin ay naghihikahos.