PAGBIBIGAY SOLUSYON SA PROBLEMA SA PLASTIK

Joes_take

JERUSALEM, Israel – Noong nakaraang linggo ay isinulat ko ang  tungkol sa panahon ng pagbabago sa industriya ng koryente sa Egypt at ito ay inihambing ko sa kasalukuyang pagbabago rin sa ating industriya rito sa ­Filipinas. Ngayon, habang isinusulat ko ito dito sa Israel, nais ko ring ihambing ang ilang mga inisyatibong isinusulong dito na kahawig ng mga naranasan ko sa ating bansa. Napakarami kong natutunan sa aking bakasyon. Isang napakagandang karanasan ang malaman kung paanong nagsisikap ang ibang bansa upang mas paunlarin ang kanilang ekonomiya, kung paano rin nila pangalagaan ang kanilang kapaligiran, at kung paano nila labanan ang polusyon sa kanilang bansa.

Isang magandang ha­limbawa ay ang mga lungsod dito sa Israel na Herzliya at Eilat na naghahanda na upang harapin at talakayin ang isyu ukol sa mga produktong plastik. Bunsod ng determinadong aksiyon na bawasan ang polusyon sa kanilang lugar, ipinagbawal ng dalawang lungsod na ito ang paggamit ng mga single-use plastic (SUP). Sa katunayan, nabanggit sa ilang mga ba­lita rito na ang tingin ng mga residente sa lungsod na ito sa mga SUP gaya ng mga plato, kutsara’t tinidor, at iba pa ay simbolo ng pagkasira ng kapaligiran at paglala ng polusyon. Maaaring kapaki-pakinabang ang nasabing mga produkto sa ating lipunan ngunit kung makikita lamang ninyo kung gaano katindi ang problema ng Israel ukol sa mga SUP, nanaisin ninyong huwag tayong matulad sa bansang ito.

Patuloy ang pagtaas ng paggamit ng mga SUP ng bansang Israel. Tinatayang umaabot sa milyong tonelada ng basurang plastic ang nagagawa nila taon-taon. Kinilala rin ang Medi-terranean na baybayin ng Israel bilang pinakamarumi sa rehiyon. Napakalaki ng pinsala nito sa kapaligiran at kalikasan: ang mga butil ng plastik na lumulutang rito ay maaaring makalason sa mga isda at iba pang hayop na naninirahan sa dagat. Ang hindi maayos na pagtatapon ng basura ay nagreresulta rin sa pagkapuno ng mga tambakan ng basura gaya ng mga landfill na maaari ring magresulta sa pagkasira ng ecosystem sa bansa. Sa pagsubaybay ko sa Israel habang ako’y nandito, nakakita na rin ako ng kaun­ting pagbabago. Ngunit hindi pa rin maitatanggi na napakalaki pa ng kailangang kakaharaping problema ukol dito.

Ngunit kung talagang gusto ay may paraan, ‘ika nga ng kasabihan. Dalawang progresibong lungsod na sa bansang ito ang nagdesisyong lumaban sa problema ng polusyon sa plastic sa kanilang mga karagatan at ito ay mahigpit nilang ipinatutupad. Ang lungsod ng Herzliya ay itinuturing bilang isa sa mga pangunahing destinasyon na madalas pinupuntahan ng mga turista kaya isang mahalagang bagay para sa lungsod ang solusyonan ang problema nito sa plastik. Ang Herzliya ay kilala bilang lugar ng magagandang mga dalampasigan kaya tiyak na makasasama sa turismo ng lungsod at sa kapaligiran. Itataboy nito ang mga turista kapag umabot na sa puntong hindi na kanais-nais ang sitwasyon ng lungsod.

Sa kabilang banda, ang lungsod naman ng Eilat ay kilala sa yamang dagat nito: iba’t ibang hayop na naninirahan sa karagatan nito, magagandang mga koral.  Kilala rin ang lungsod sa mga turistang maninisid. Para sa lungsod na ito, ang isang bagay na kritikal at dapat isaalang-alang ay ang buhay pandagat.  Sisirain ng mga basurang plastic ang mga magagandang koral at kinalaunan ay magreresulta rin sa pagkalason ng mga isda at iba pang hayop dito. Isang matinding problema ang kanilang tiyak na haharapin kung hindi pa sila magiging maagap. Hindi lamang ang kapaligiran ang maaapektuhan at masisira kundi pati na rin ang turismo sa lungsod. Tama lamang ang ginawa ng Herzliya at Eilat na ipagbawal ang paggamit ng SUP dahil kailangan nilang protektahan ang bagay na nagpapaunlad sa ekonomiya ng kanilang lungsod. Kailangang pangalagaan ng Israel ang kapaligiran nito dahil marami ang umaasa at nakasalalay rito.

Ngayong mayroon na akong malawak na perspektibo ukol sa isyu ng SUP, napapaisip ako kung paano tayo bilang mga mamamayan ay maaaring makatulong sa ating sariling paraan. Ang maliit na pagbabago sa ating mga gawain sa araw-araw, kung pagsasama-samahin, ay magdudulot ng malawakan at positibong epekto sa ating kapaligiran. Minsan ay kailangan lang natin magsimula sa mga simpleng bagay gaya ng pag-aayos ng ating nakagawian hanggang sa ito’y maging isang kultura na maaaring maipasa sa mga kapamilya, kaibigan, at kahit sa ating katrabaho. Ito ang isang bagay na hinahangaan ko sa aking ikalawang tahanan, ang Meralco, na nagkakaisa sa pangangalaga sa kapaligiran sa pamamagitan ng paghinto sa paggamit ng mga SUP.

Gaya ng Israel, ang Me­ralco ay nanindigan at determinadong haharap sa problema ng polusyong likha ng mga SUP. Ito ay isang laban na hindi madaling makamit ngunit gayunpaman, magpupursige ang Meralco hanggang sa maitulak nito ang pagbabago na nais nitong isulong. Matatagalan pa bago natin tuluyang masolusyunan ang problema ng bansa ukol sa mga produktong plastic ngunit kung gagawin nating lahat ang ating mga responsibilidad bilang mamamayan ng ating bayan, unti-unti rin nating makakamit ang ating layunin na magkaroon ng sustainable, malinis, at mas maayos na kapaligiran.

Kagaya ng dalawang lungsod na aking tinalakay, ina­nunsiyo rin ng Meralco ang pagbabawal sa paggamit ng SUP, mga produktong yari sa polystyrene foam, at iba pang kahalin-tulad na produkto, sa lahat ng opisina at pasilidad nito sa anumang okasyon simula Oktubre 1, 2019.

Ipinahayag ni Meralco President and Chief Executive Officer Atty. Ray C. Espinosa na, “The protection of the environment is a collective obligation that we not only owe to the communities we serve, but more importantly, the future generation. It is, therefore, incumbent upon us to ensure that we integrate sustainability in all areas of our operations and in our workplace to create a positive impact to the environment.”

Bukod sa pagbabawas ng kompanya sa kontribusyon nito ng plastik sa mga landfill at polusyong pandagat, nilalayon din ng Meralco na maturuan ang mga empleyado nito at mga kasama sa negosyo ukol sa responsableng paggamit ng mga produktong plastik at sa maayos na pagtatapon ng mga ito para sa sustainable na ekonomiya, at makatulong sa pagbibigay-daan sa pagbabago ng paraan ng pamumuhay ng mga ito.

Napakalinaw ng datos ukol sa isyung ito. Ayon sa balita na inilathala ng United Nations Environment Program, naabot na at nalampasan ng mundo ang kapasidad nitong kayanin ang dami ng mga basurang plastik. Nasa siyam na porsiyento lamang ng humigit kumulang siyam na trilyong kilo ng plastik ang nai-recycle sa mundo. Karamihan dito ay naiiwang nakatambak sa mga landfill at ang iba naman ay nakakalat sa dagat at sa kapaligiran. Kung ang kasalukuyang paggamit at paraan ng pagtapon ng plastik ay mananatili, pagsapit ng 2050, aabot sa 12 trilyong kilo ng plastik ang maaaring matagpuan sa mga landfill at sa kapaligiran.

Ang Meralco ay nagsisimula pa lamang. Bilang umpisa sa mga inisyatibo nito sa pagkakaroon ng sustainable na kapaligiran, ipinagbawal ng kompanya ang paggamit ng mga SUP gaya ng mga kutsara’t tinidor na yari sa plastik, mga inumin na nakalagay sa plastik na bote, at iba pang kagamitan na maituturing na SUP. Ito ay sinimulang ipatupad noong Oktubre 1, 2019.

Mismong ang mga matataas na opisyal ng kompanya ang nangunguna sa inisyatibong ito. “Everyone in Meralco is committed to do their part in ensuring that we embrace sustainability as a way of life by greatly reducing our contribution to the million tons of plastic wastes that are used and dumped in our water ways, rivers and oceans every day,” sabi ni Espinosa.

Ako ay nasasabik nang umuwi at lumahok sa inisyatibong ito ng aming kompanya. Nawa’y kayo ring aking mga mambabasa ay mahikayat na lumahok sa inisyatibong ito na isinusulong ng Meralco.

Comments are closed.