Kinumpirma ng Malakanyang na tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibitiw sa puwesto ni National Police Commission o Napolcom Commissioner Edilberto Dela Cruz Leonardo.
Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez batay sa sulat ng Malakanyang na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin para kay DILG Secretary at National Police Commission Chairman Jonvic Remulla na may petsang October 8, 2024.
Sa sulat ni Bersamin, sinasabing nagsumite ng kanyang resignation letter si Leonardo nitong Oktubre 4, 2024 bilang kinatawan ng law enforcement sector ng Napolcom.
Si Leonardo ay nagbitiw matapos madawit ang pangalan sa pagpatay kay dating PCSO board secretary Wesley Barayuga, batay sa lumalabas na imbestigasyon ng quadcom ng Kamara.
Si Leonardo ay inakusahan ni PNP Drug Enforcement Group PLtCol. Santi Mendoza na umano’y nag-utos na patayin si Barayuga noong July 30, 2020.
Ayon kay Mendoza, si Leonardo umano ang nagbigay ng description ng sasakyan at plaka ni Barayuga para ito patayin paglabas ng opisina.