TINANGGAP na ng Malacanang ang pagbibitiw sa puwesto nina Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica at SRA board member Roland Beltran.
Ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles kasunod ng dokumentong inilabas ni Executive Secretary Victor Rodriguez na may petsang Agosto 15, 2022 bilang tugon sa inihaing resignation letter nina Serafica at Beltran.
“We confirm the acceptance of Administrator of the Sugar Regulatory Administration Mr. Hermenegildo Serafica’s resignation, as well as the resignation of Atty. Roland Beltran of the Sugar Regulatory Board,” ani Angeles.
Ang dalawang opisyal ay nagbitiw sa puwesto matapos ang kontrobersiyal na resolusyong inilabas ng Sugar Regulatory Board (SRB) para mag-angkat sana ng 300,000 metriko toneleda ng asukal nang walang pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nauna nang nagbitiw sa puwesto si dating Undersecretary Leocadio Sebastian na siyang nag-covene ng Sugar Regulatory Board para ilabas ang resolusyon na mag-aangkat ng 300,000 metrikong tonelada ng asukal na taliwas sa utos ni PBBM. EVELYN QUIROZ