ISABELA – MAGIGING mahigpit ang ordinansa sa lalawigang ito hinggil sa pagbabawal sa mga menor na pumasok sa mga beerhouse, at pagbili ng alak.
Ang nasabing kautusan ay mula kay Isabela Gov. Faustino ‘’Bojie’’Dy, III, na pinaigting kasunod ng pagpatay kay Sr. Insp. Michael Angelo Tubaña kung saan nagpositibo sa alak at marijuana ang isa sa dalawang suspek na sina alyas Warren, 19-anyos, ng Brgy. Nambaran, Tabuk City, Kalinga, tricycle driver, habang ang isa ay isang 17-anyos.
Sa inihayag ni Dy na padadalhan niya ng memorandum ang lahat ng municipal at city mayors sa lalawigan upang paigtingin ang pagpapatupad sa naturang ordinansa.
Sinabi niya na malaking problema ang maaaring maidulot ng pag-inom ng alak kaya layunin ng nasabing ordinansa na maiwasan ang krimen at aksidente sa lansangan na karaniwang mga kabataan ang mga biktima na lulan ng motorsiklo at mga nakainom ang mga ito.
May karapatan din, aniya, ang mga local government unit na nakasasakop sa mga bahay inuman o bahay kalakalan na ipasara ito kung lalabagin ang naturang ordinansa.
Kinakailangan naman umanong magprisinta ng identification card ang mga bibili ng alak upang matiyak na nasa tamang edad ang mga ito.
Nakikipag-ugnayan na si Dy kay Regional Director Chief Supt. Jose Mario Espino ng PRO 2 at sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) na pinamumunuan ni Sr. Supt. Mariano Rodriguez, Provincial Director ng PNP Iasbela, para sa pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela. IRENE GONZALES
Comments are closed.