HINIKAYAT ng mga nagtitinda sa Dangwa Flower Market sa Sampaloc, Manila ang publiko na mamili ng bulaklak nang mas maaga para makatipid at makaiwas sa dagsa ng tao sa bisperas ng Undas.
Inaasahan na raw ng mga nagtitinda ang pagdagsa ng mga mamimili sa mga susunod na araw bago mag-Undas kaya mas mainam umanong mamili nang maaga para hindi na makipagsiksikan.
Dagdag pa nila, maaari pa raw madagdagan ng P10 hanggang P20 ang kasalukuyang presyo ng bulaklak depende sa klase nito.
Narito ang presyo ng ilang bulaklak sa Dangwa: red roses – P250 kada dosena; Malaysian mums – P150 kada dosena; baby’s breath – P100 kada kilo; orchids – P450 kada bungkos; carnation – P170 kada bundle o 10 piraso; sunflower – P120 kada stem; Holland tulips – P100 kada stem.
Habang papalapit din ang Undas, posible pang magmahal ng P50 ang mga flower arrangement na nasa basket, na ngayon ay mabibili pa sa P150 hanggang higit P1,000.
Ipinapayo ng mga tindero na kung gustong makatipid, bumili ng wholesale.
Halimbawa, kung ang red roses ay P250 kada dosena, P350 kada bundle o dalawang dosena ito kung wholesale bibilhin.
Dapat din aniyang piliin ang mga bulaklak na may maikling tangkay dahil mas mura ito.
Mas tumatagal din umano ang bulaklak kapag nasa aircon pero kung ilalabas naman ito ay dapat ilagay sa may lilim.
Puwede rin bumili ng mga bulaklak na tumatagal ng hanggang isang linggo gaya ng carnation, Malaysian mums at anthurium.
Comments are closed.