PAGBILI NG MISSILE FRIGATE ‘DI PAGPAPALAKAS NG PUWERSA-AFP

BRP Jose Rizal

ULSAN, South Korea- Tiniyak kahapon ni Armed Forces chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr.  na mapanga­ngalagaan ang territorial integrity ng Filipinas   sa pagbili ng Department of National Defense ng mga modernong  naval platforms gaya ng  missile frigate, BRP Jose Rizal (FF-150) at  sister ship nitong  BRP Antonio Luna (FF-151) na nagkakahalaga ng P18 bilyon.

Nilinaw ni   Gen. Madrigal na hindi ito paghahanda sa posibleng armadong hidwaan o pagpapalakas puwersa sa bunsod ng umiiral na tensiyon sa bahagi ng  West Philippine Sea.

“No, the objective of our ongoing modernization program is to come up with a very credible and world-class AFP that the Filipino people will be proud of. Those (tensions) are just incidental but our overall intention, of course, is to ensure we maintain our territorial integrity and that we are able to represent an armed forces that ca be at par with other Armed Forces in other countries,” sa ginanap na pulong balitaan matapos ang pormal na paglulunsad ng  BRP Jose Rizal.

Sinabi rin ni Gen. Madrigal na mapapangalagaan ng mga barkong ito ang mga  Filipinong mamamalakaya na nakikipagbangayan para sa kanilang lawful territorial waters.

Nagkaisa sa kanilang pananaw sina AFP chief at  Philippine Navy flag-officer-in-command, Vice Admiral Robert Empedrad na panahon na para isulong ang mga pangangaila­ngan ng Navy dahil sa malawak na karagatang sumasaklaw sa  Filipinas.

“There is a saying that if you want to achieve peace, you prepare for war. I attended the International Maritime Security Conference last week in Singapore and we observed that a lot of Navies are modernizing their capabilities,” ani Madrigal kasunod ng pahayag na 20 hanggang 25 barkong ang planong bilhin ng DND sa ilalim ng ikatlong yugto ng AFP Modernization.

Ibinigay nitong  halimbawa ang mga bansang Australia, China, at Malaysia na nagkukumahog para higit pang palakasin ang kanilang naval forces.

Ang BRP Jose Rizal ay inilunsad kamakalawa sa Hyundai Heavy Industries (HHI) shipyard in Ulsan, South Korea at nakatakdang i-deliver sa Setyembre  2020, at aarmasan ng Oto Melara 76mm Super Rapid main gun,  Aselsan SMASH 30mm remote-controlled secondary cannon, anti-submarine torpedoes at anti-air at ship missiles.

Bukod pa sa pamosong Hanwha Systems’ Naval Shield combat management system (CMS) na  naka-integrate sa lahat ng  shipboard sensors and weapons at siyang nagpapasya kung paano tutugunan ang mga paparating na banta.

Ang mga nabanggit na weapon system ay may kakayahang ma-detect ang paligid na may 4,000 targets at  kaya ang sabay sabay na pag-atake sa limang kalaban bago pa ito makadikit sa barko ng Navy.

Ang nasabing sistema ay ginagamit na ngayon ng Republic of Korea Navy, Royal Malaysian Navy at  Indonesian Navy.

Ang Filipinas at Hyundai Heavy Industries ay lumagda sa P16 billion contract para sa dalawang  missile-armed frigates bukod pa sa panibagong P2 billion na inilaan sa weapon systems and munition noong Oktubre  2016.

Ayon kay PN spokesperson Captain Jonathan Zata, makakatulong ang dalawang makabagong frigates para bantayan ang  maritime chokepoints or primary sea routes na dinadaanan para sa kalakalan, logistics, at naval operations para lahat ng uri ng banta sa karagatan.        VERLIN RUIZ

Comments are closed.