SA HALIP na gumastos sa napakamahal na hazardous (hazmat) suits, mas mainam na unahin ang pagbili ng rapid nucleic test kit.
Ito ang nais na isulong ni Senador Francis Tolentino, kung magkakaroon ang bansa ng rapid nucleic test kit ay madali na umanong madi-detect ang virus sa loob lamang ng walo hanggang 15 minuto.
Sa kabila ng banta ng coronavirus outbreak, iginiit ni Tolentino, hindi pa rin umano nakabibili ang DOH ng rapid test kit na ito dahil sa nakadepende ang Department of Health (DOH) sa primer na dinisenyo ng Japanese experts para sa specific na detection ng 2019-nCoV.
“Kaya po nagtatagal doctor Duque ang RITM kasi wala tayong test kit, am I correct? Kapag mga ganitong sitwasyon, dapat proactive tayo, may available namang mga test kit, bakit hindi tayo bumili?” tanong ni Tolentino kay Duque sa pagdinig ng Senate committee on health hinggil sa kahandaan ng gobyerno sa coronavirus.
“Kung malalaman agad natin kung sino ang infected ng virus, mas magiging madali na ma-control ito, mas magkakaroon ng kapanatagan ang mga tao,” diin ng senador.
Nauna rito, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P2.25 bilyong budget para sa DOH na gagamitin sa pambili ng sapat ng protective equipment ng mga health care worker.
“Given that you have the necessary budget for the chemical suits what is important is to detect at the ground level, Sino ba talaga and infected sa hindi? Sino ba talaga ang may virus sa wala? We don’t have a test kit?” dagdag na tanong pa nito sa kalihim.
Sa pangyayaring ito, nangako naman si Duque na ikokonsidera nito ang rekomendasyon ng senador. VICKY CERVALES
Comments are closed.