ITINUTURING na ang tatlong araw na opisyal na pagbisita ni Indonesian President Joko Widodo sa Pilipinas ay “mabunga, produktibo at matagumpay”.
Ito ang pahayag ni Philippine Ambassador to Indonesia Gina Jamalin.
Si Widodo ay nasa Pilipinas mula Enero 9 hanggang 11 at umalis sa Villamor Airbase Huwebes ng hapon.
Pinag-usapan nina Pangulong Widodo at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang maraming isyu na parehong mahalaga para sa ating mga bansa,” sabi ni Jamalin.
Kabilang sa mga tinalakay sa pulong nina Widodo at Pangulong Marcos ay kooperasyon sa enerhiya at patrol sa hangganan, at pagpapahusay ng relasyon sa kalakalan.
Nagpasalamat din si Widodo na talagang nag-enjoy siya sa kanyang biyahe sa bansa.
Kaugnay nito, nangako kay Pangulong Marcos si Widodo na pag-aaralan muli ng kanyang gobyerno ang kaso ni Mary Jane Veloso.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na positibo siya na muling pag-aaralan ng gobyerno ng Indonesia ang kaso ni Veloso, na nahatulan ng parusang kamatayan dahil sa drug trafficking matapos mahuli noong 2010.
Nabigyan ito ng “reprieve” noong 2015 at patuloy siyang naninindigan na inosente siya sa pagpupuslit ng droga at aniya biktima siya ng mga illegal recruiter.