PAGBISITA SA SEMENTERYO ‘DI BAWAL

Bishop Pabillo

HINDI naman ipinagbabawal ng pamahalaan ang pagbisita ng publiko sa mga sementeryo.

Ito ang ipinaliwanag ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kasunod ng pagsasara ng mga sementeryo sa bansa sa Undas.

Ayon kay Pabillo, ang iniiwasan lamang ng pamahalaan ay ang pagdagsa ng mga tao sa mga puntod dahil sa panganib na magkahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) lalo na sa pampublikong lugar.

Kaugnay nito, nanawagan ang obispo sa mga mananampalataya na kahit hindi sila makabisita sa mga puntod, ang mahalaga ay alalahanin ang mga namayapa.

“Kahit na hindi kayo makabisita sa sementeryo, tandaan natin na ang mas mahalaga ay ang maalaala ‘yung mga namatay at saka ipagdasal sila,” ayon kay  Pabillo sa Pastoral Visit on-air ng Barangay Simbayanan.

Ipinaliwanag pa ng obispo na ang pag-alaala at pag-aalay ng panalangin para sa mga namayapa ay maaaring isagawa sa bawat tahanan gayundin sa ating pagsisimba sa Parokya.

Idinagdag pa ni Pabillo na maari pa rin naman ang pagpupunta sa mga puntod sa ibang araw bagama’t hindi  dapat itong isasagawa nang sabay-sabay upang maiwasan ang maraming mga tao.

“That can have a solution by coming to the cemetery, not necessarily on November 1 and November 2 so maybe before… or the whole month of November. Ang mahalaga maalala natin sila at ipagdadasal natin sila,” aniya pa.

Iginiit pa ng obispo na maari rin namang isagawa ang pananalangin para sa mga kaluluwa sa bahay bilang pagtiyak sa kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya.

Nauna nang ipinag-utos ng pamahalaan ang pagsasarado ng mga sementeryo sa buong bansa sa panahon ng Undas upang maiwasan ang dagsa ng mga tao.

Tradisyon na ng mga Pinoy na magtungo sa mga sementeryo tuwing Undas, upang dalawin ang mga puntod ng mga mahal  sa buhay na yumao na. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.