PAGBIYAHE NG POULTRY PRODUCTS NILUWAGAN NA

PUWEDE na ngayong ibiyahe palabas ng Luzon ang mga poultry product tulad ng manok matapos ang halos tatlong buwang paghihigpit dahil sa avian influenza o bird flu.

Sa memorandum ng Department of Agriculture (DA), ang day-old chicks, hatchers, at pullets ay maaari nang ibiyahe mula Luzon at mga lugar na apektado ng bird flu patungo sa kahit anong lugar sa bansa.

Gayunman ay kailangan pa ring magpakita ng negatibong resulta para sa avian influenza test para masiguro na walang sakit ang mga ibibiyaheng manok.

Nananatili namang suspendido ang pagbiyahe ng mga panabong, kalapati, at pato at pugo.

Magugunitang mga duck at quail farm ang karamihan sa mga tinamaan ng bird flu ngayong taon sa 14 lalawigan sa bansa.