PAGBUBUKAS MULI NG BORACAY

alex santos

MAY magandang balita para sa mga bagot na bagot na sa kani-kanilang bahay dahil sa ilang buwang community quarantines.

Tatanggap na raw kasi ng mga turista mula sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ang tanyag na isla ng Boracay simula Oktubre 1.

Mismong si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang nag-anunsiyo nito.

Ang problema, dahil nasa new normal na tayo, daraan pa rin sa mahigpit na health protocols ang mga turista.

Obligado silang magprisinta ng negatibong confirmatory test result para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dapat bago ang test o ginawa ito 48-oras hanggang 72-oras bago ang scheduled flight.

Well, hindi pa nga lang malinaw kung may direct flights na ba mula Maynila hanggang sa isla o Godofredo P. Ramos Airport sa Caticlan.

Kung mayroon man, dadaan daw ang airline companies sa Caticlan bilang ito ang nag-iisang paliparan doon kung pa-Boracay sila.

Kung hindi ako nagkakamali, unang binuksan ang isla para sa mga mamamayan ng Capiz, Antique, Aklan, Guimaras, Negros Occidental, Bacolod, at Iloilo noon pang mga nakaraang buwan.

Tinatayang 199 hotels at beach resort na may 4,416 rooms ang nag-o-operate mula pa noong mga panahong iyon.

Sa panayam naman ng inyong lingkod sa RADYO PILIPINAS, sinabi ni Malay, Aklan Mayor Floribar Bautista na malaking bagay para sa kanilang bayan ang unti-unting pagkabuhay ng turismo.

Handa na rin daw ang Malay LGU sa posibleng pagbuhos ng mga tao sa pagbabalik-operasyon ng buong Bora.

Hindi maitatatwa na maraming negosyong may kinalaman sa turismo ang umaray dahil ang industriya nila ang isa sa mga pinakasapol ng COVID-19 pandemic.

Kaya tiyak na babalik ang sigla ng turismo sa lugar at magkakaroon na muli ng pagkakakitaan ang mga kababayan natin doon dahil dito.

Sinasabing sa unang apat na buwan buwan ng 2020, nangalahati ang bilang ng mga foreign tourist sa bansa kumpara noong nakaraang taon kaya salat o walang kinita ang buong industriya nitong Abril at sinasabayan pa ng pandemya.

Bagama’t may ilang takot pa ring gumala, tiniyak ni Mayor Bautista na magiging mahigpit ang mga patakaran sa kanilang bayan.

Kasama sa mga pinapayagang magbukas ay ang accommodation, transport service, at iba pa pero obligado silang magsagawa ng regular sanitation at disinfection.

Ang hindi lang malinaw ay kung kailangang magsuot ng PPE ang mga tourism worker.

Sa pangyayaring ito, nawa’y gawing regular ng DOT ang inspeksiyon, gayundin ng Department of Health (DOH).

Kapag nagkaroon ng paglabag sa minimum health protocols at kumalat ang virus ay sila na naman ang sisisihin.

Mahalagang ipatupad ang physical distancing at limitahan ang bilang ng mga tao sa mga establisimiyento.

Tandaan na importante rin naman ang turismo sa atin.

Kaya tama ang pasya ng DOT at ng administrasyon na balansehin ang banta ng COVID-19 sa pangangailangan ng trabaho at negosyo ng milyon-milyong Filipino.

Comments are closed.