PAGBUBUKAS NG IPINASARANG KALSADA MAMADALIIN

Mark Villar

TINIYAK ni DPWH Secretary Mark Villar ang agarang pagbubukas sa mga motorista ng Pangasinan-Zambales road matapos na personal na inspeksyunin nito kamakailan ang naturang proyekto upang siguruhing tuloy-tuloy ang pagtatrabaho rito.

Matatandaan na pansamantalang isinara sa publiko ang bahagi ng Daang Kalikasan sa Mangatarem, Pangasinan batay na rin sa rekomendasyon ni Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil dahil sa 12 na aksidenteng nangyari rito noong nakaraang taon na ikinasawi naman ng pito katao.

Sa isinagawang inspeksiyon ni Secretary Villar, DPWH Senior Undersecretary Rafael Yabut at Assistant Secretary Eugenio Pipo Jr., tiniyak nito ang puspusang pagtatrabaho sa 1.5 bilyong pisong proyekto upang matapos bago ang tag-ulan sa Hunyo ngayong taon.

Naging pasyalan ng mga turista at motorista ang Daang Kalikasan dahil sa bulubundukin  at makakalikasang tanawin sa gilid ng 19.45 kilometrong kalsada mula Tarlac-Pangasinan hanggang Sta. Cruz, Zambales na naglalayong palakasin ang negosyo at mapabilis ang transportasyon ng mga kalakal at produkto hindi lamang sa mga nabanggit na  probinsya maging ang nagmumula sa Kalakhang Maynila.

Samantala, sinabi naman ni Secretary Villar na maiibsan ang gastos sa transportasyon dahil mababawasan ng kalahating oras ang biyahe ng mga motorista mula Rehiyon 1 at 3 sakaling matapos na ang proyektong ito.

Ayon sa DPWH, kasama sa Daang Kalikasan ang konstruksiyon ng 4 linyang lansangan, pagbubukas ng mga bagong kalsada, pagpapagawa ng mga tulay at drainage canal at paglalagay ng concrete barriers. (NORMAN LAURIO)

Comments are closed.