MULING ipinagpaliban ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang muling pagbubukas ng kanilang tourist attraction na Manila Zoo.
Nabatid na sa Nobyembre 15 sana ang muling pagbubukas ng Manila Zoo pero muli itong itinakda sa Nobyembre 21, 2022.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, ito ay dahil sa pakiusap ng stall owners para lalo nilang mapaganda at mapaghandaan ang tuluyang pagbubukas ng Manila Zoo.
Aniya, tuloy-tuloy pa rin naman ang pagsasaayos sa Manila Zoo at sakaling mabuksan na ang operasyon nito ay mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi pero ang cut-off sa pagpasok ay hanggang alas-6:00 ng gabi.
Ang admission fees naman para sa mga bata at nakakatanda ay nasa P150 para sa mga Manileño at P300 sa hindi residente ng lungsod.
P100 naman para sa mga estudyante kapag nakatira sa lungsod ng Maynila at P200 kapag hindi kung saan may 20% discount ang mga senior citizen at PWD.
Ang mga bata naman na may edad 2-taong gulang pababa ay libreng makakapasok.
Paalala ng Manila Local Government Unit (LGU), kinakailangang magparehistro online habang ang pagbebenta ng tiket ay magsisimula sa Nobyembre 20, 2022 sa website na manilazoo.ph.
VERLIN RUIZ