PAGBUBUKAS NG M’LANG AIRPORT PINAMAMADALI NI DUTERTE

INIUTOS  ni Pangulong Rodrigo R. Duterte  ang  mabilis na pagtapos sa Central Mindanao Airport sa M’lang, North Cotabato.

Sa kanyang pagbisita  noong Disyembre 30,  2019, kung saan ito nagkaloob ng tulong pinansiyal sa libo-libong biktima ng lindol, sinabi ng Pa­ngulo na kailangan nang mabuksan  ang  nasabing paliparan.

Ang pahayag ng Pangulo ay  makaraang hingin  nina Mindanao Development Authority (MinDA) chair, Secretary Emmanuel Piñol, at North Cotabato Governor Nancy Catamco ang tulong  ng Chief Executive upang pakialaman na nito ang mabilis na  operation  ng airport  upang mapalakas ang pag-unlad ng ekonomiya sa mainland Mindanao.

Dahil dito ay hini­ling ng Pangulo sa kanyang dating assistant at ngayo’y Senador Bong Go na makipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr) at maghanap ng pondo para matapos na  at mabuksan ang  nasabing airport.

Sa pahayag naman ni Piñol  nitong Huwebes ay sinabi nito na ipinaalam na nila ni Catamco ang actual status  ng  M’lang airport.

Nagsimula ang  kons­truksiyon ng airport noong 2004  nang si Piñol  ay gobernador pa. Ang  1.8-kilometer runway at terminal building ay nakumpleto noong 2010, ngunit  hindi pa ito mabuksan dahil sa umano’y hindi pa isinasalin  ng pamahalaang panlalawigan ng North Cotabato ang 62-ektaryang lupain sa DOTr.

Sinasabing may nawawalang dokumento  kaya hindi pa nai-turnover ang proyekto sa DOTr para ito makumpleto.

Tiniyak naman ni Ca­tamco kay Pangulong Duterte na makukumpleto ang mga kinakailangang  mga dokumento  para sa opisyal na pagsasalin  ng property sa DOTr.

Mahalaga ang pagbubukas ng nasabing pa­liparan dahil  nasa strategic area ang lokasyon nito at  tiyak na  magpapalakas sa paglago  ng ekonomiya  sa  Soccsksargen region kung saan galing ang maraming produktong agrikultura, kabilang ang mga prutas.

Nangako rin ang senador  na hihingiin ang tulong ng mga kasamahan sa Senado  upang mapabilis ang pagtatapos at operasyon ng M’lang airport bago ang 2022. PNA

Comments are closed.