PAGBUBUKAS NG POGO OPS TINUTULAN

Francis Pangilinan

TINUTULAN Senador Francis Pangilinan ang muling pagbubukas ng operasyon ng   Philippine Offshore Gambling Operators (POGOs) dahil na rin sa banta ng  coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Ang reaksiyon ni Pangilinan ay kasunod na rin ng pahayag ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman An-drea Domingo  na sinulatan na niya ang Pangulo para sa resumption ng POGO operations na kung saan kinumpirma na rin ni Finance Secretary Carlos Dominguez na ini-refer na  ang nasabing mungkahi sa Inter- Agency  Task Force on Emerging Infectious Diseases.

“Uunahin pa ang negosyo at trabaho ng mga Chino sa POGO habang walang makain at walang hanapbuhay ang mga Piipino dahil sa lock-down? Boost state funds? Eh Department of Finance na nga ang nagsabi na hindi nagbabayad ng bilyong-bilyong pisong buwis ang mga ‘yan,” giit ni Pangilinan

“Magkano ba ang ambag nila? At kanino ba talaga napupunta ang ambag ng mga ito?” tanong pa ng senador.

Tinukoy ni Pangilinan ang testimonya ng Bureau   of Internal Revenue (BIR) nang  humarap ito sa Senate hearing noong buwan ng Pebrero na kung saan may utang pa ang POGO ng  P50 bilyon dahil sa franchise, corporate at iba pang buwis.

Binanggit pa nito,  base sa ulat ng Malakanyang sa Kongreso, tanging  4,054.360 sa 18 milyong pamilya o 22.58% lamang ang nakatanggap ng Social Amelioration Program habang 591,346  o 8.80% lamang ang nabigyan ng ayuda ng pamahalaan. VICKY CERVALES

MGA ‘SABIT’ NG CHINESE POGOs, AYUSIN MUNA

“RESOLVE issues first, allow operations later.”

Ito ang tahasang sinabi ni House Minority Leader Bienvenido “Benny” Abante Jr. bilang reaksiyon sa mungkahi na pahintulutang makapag-operate muli ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na pangunahing pinamamahalaan ng iba’t-ibang Chinese firms, sa kabila nang pag-iral ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Paggigiit ng lider ng minority bloc sa Kamara, hindi dapat basta-basta sang-ayunan ng gobyerno ang rekomendasyon na payagan ang pag-bubukas ng POGOs kahit mayroong ipinatutupad na ECQ.

Ito’y bunsod na rin aniya ng mga isyung kinasasakutan sa hanay ng Chinese POGO operators, kabilang na ang hindi pagbabayad ng kaukulang buwis sa national government.

“In hearings in the House and the Senate, we have been told that one, we cannot even properly keep track of and document POGO workers; and two, that we have not been able to collect taxes from them,” dismayadong sabi ni Abante.

“If that is the case, then allowing them to resume operations ostensibly so the government can earn revenues to help battle the Covid-19 outbreak makes little sense,” mariing dagdag pa nito.

Magugunita na sa nakaraang Senate hearing, inihayag ni Atty. Sixto Dy, Jr., ng BIR Office of the Deputy Commissioner for Operations, na karamihan sa 60 licensed POGO operators ay hindi pa nakapagbabayad sa halaga na hindi bababa sa P50 bilyon bilang withholding, income at franchise taxes para sa nakaraang taong 2019.

Ani Abante, walang duda na marami sa ating mga kababayan ang gustong-gusto nang makabalik sa kani-kanilang trabaho at makapaghanapbuhay subalit dahil sa pagsasaalang-alang sa kalusugan at kaligtasan ng lahat ay tumatalima na lamang sa alituntunin ng ECQ. ROMER BUTUYAN

Comments are closed.